Nagbanta kahapon ang Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na kapag nabigo ang administrasyong Duterte na tugunan ang kahilingan ng mga jeepney driver na pigilan ang planong phase out sa mga lumang jeep ay ipagpapatuloy nila at gagawing buwan-buwan ang tigil-pasada sa bansa.
Sinabi ni PISTON National President George San Mateo na gasgas na umano ang laging depensa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na modernisasyon sa phase out sa mga lumang jeep.
Aniya, sa dami ng rekisitos na inilatag ng Traffic Emergency Power bill at ng draft department order ng Department of Transportation (DOTr) ay walang jeepney operator na makapapasa nito.
DAAN-DAANG LIBO MAAAPEKTUHAN
Nabatid na maaapektuhan ng panukala ang 650,000 jeepney driver at 250,000 operator sa bansa.
Kaugnay nito, nagbabala ang Kilusang Mayo Uno (KMU) na daan-daang libo ang mawawalan ng kabuhayan kapag natuloy ang phase out sa mga lumang jeep.
“It will result in the loss of livelihood for hundreds of thousands of jeepney drivers and operators. It also would result in greater woes to commuters including unabated fare hikes and loss of a cheap and dependable mode of transportation,” sabi ni KMU Chairman Elmer Labog.
PAPANAGUTIN
Gayunman, hindi naman natitinag ang LTFRB sa banta ng buwanang tigil-pasada, at idinagdag ni Board Member Aileen Lizada na iyon ay “if they still have their franchise.”
“They shall face cancellation or suspension of franchise,” sabi ni Lizada, na nanguna sa Joint Quick Response Team sa monitoring ng transport strike sa headquarters ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon.
Aniya, magdaraos ng pagdinig ang LTFRB sa Marso 8-9 kasama ang mga transport operator na nakibahagi sa unang tigil-pasada noong Pebrero 6.
“A show cause order will be issued to all operators, directing them to explain why their franchise should not be cancelled or suspended,” ani Lizada, at sinabing bahagya lang ang naging epekto sa Metro Manila ng tigil-pasada kahapon.
Ito ay makaraang magkaloob ng libreng sakay ang gobyerno para sa mga stranded na pasahero, kabilang ang MMDA, pulisya, militar at Department of Public Works and Highways.
Nagpakalat din ang LTFRB ng mga air-conditioning bus sa EDSA, na ang singil ay gaya rin ng sa jeep.
(Jun Fabon, Bella Gamotea, Samuel Medenilla at Anna Liza Alavaren)