Inilabas na ng Quezon City Police District (QCPD) ang artist sketch ng suspek sa pagpatay sa isang motorcycle rider sa kasagsagan ng mainitang pagtatalo nitong Sabado.

Iniharap kahapon sa media ni QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang nasabing cartographic sketch ng armado na bumaril at pumatay sa 27-anyos na IT professional na si Anthony Mendoza sa pagitan ng D. Tuazon at Quezon Avenue sa Barangay Doña Josefa, Quezon City noong Pebrero 25.

Inilarawan ang suspek na “armed and dangerous,” sinabi ni Eleazar na ang suspek ay tinatayang nasa edad 35-45, “white” ang balat at itim ang buhok.

Ayon sa hepe, si Michael, kapatid ni Anthony, ang naglarawan sa suspek.

National

ICI, nag-sumite ng report mula Setyembre 2025 hanggang Enero 2026 kay PBBM!

Nakaangkas si Michael kay Anthony nang makaengkuwentro nila ang hindi pa nakikilalang suspek dakong 3:15 ng hapon.

Sinabi ni Michael na sakay ang suspek sa isang puting Toyota Land Cruiser na may plakang AHA 3454. Nahagip din sa closed-circuit television footage sa D. Tuazon Avenue ang nasabing sasakyan bago mangyari ang insidente.

Ayon kay Eleazar muntik nang magkabanggaan ang dalawang sasakyan nang lampasan ng motorsiklo ang Land Cruiser na nagtangka namang balewalain ang red light sa intersection.

Matapos nito’y kinompronta ng suspek ang magkapatid at nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at binaril sa ulo si Anthony.

Dead on the spot si Anthony dahil sa tinamong tama ng bala sa likod ng ulo at kaliwang mukha.

(Vanne Elaine P. Terrazola)