ITINANGGI ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang mga ulat nitong weekend na nagbabala ang ahensiya laban sa malakas na lindol sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan sa pagitan ng Pebrero 24 at Marso 28. Ito ang pinangangambahang “Big One” na inaasahang yayanig sa mga lugar na saklaw ng “West Valley Fault.”
Ang paglutang ngayon ng posibilidad ng malakas na lindol ay maaaring bunsod ng serye ng pagyanig na nagsimula sa 6.7 magnitude na naminsala sa Surigao del Norte noong Pebrero 10, na ikinasawi ng walong katao habang mahigit 200 iba pa ang nasugatan. Iyon na ang pinakamalakas na pagyanig sa lugar sa nakalipas na siglo.
Nakapagtala ang Phivolcs ng kabuuang 244 na aftershocks kasunod ng magnitude 6.7 na pagyanig sa Surigao del Norte.
Nagsunud-sunod ang lindol na may lakas na 4.1 hanggang 4.9 magnitude na naramdaman sa iba’t ibang dako ng Caraga, Davao, at Soccksargen, at nagpatindi ng takot ng mga residente. Nitong Linggo, may dalawang linggo na ang nakalipas matapos ang malakas na pagyanig sa Surigao, iniulat ng Phivolcs ang paglindol nang malakas na lumikha ng malalaking alon na lakas nitong magnitude 5.0 sa Pasipiko, may 123 kilometro sa silangan ng Burgos, Surigao del Norte.
Kaya naman hindi nakapagtatakang matapos ang malakas na lindol sa Surigao na sinundan ng iba pa malapit sa lugar, ay pinangangambahan ngayon ang “Big One” na matagal nang inaasahang yayanig sa Metro Manila. Hunyo noong nakaraang taon nang isagawa ang “Shake Drill” at libu-libong tao ang nakibahagi sa mga earthquake drill sa Metro Manila, gayundin sa mga karatig-lalawigan na Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna. Ang mga lugar na nabanggit ay nasa ibabaw ng West Valley Fault ngayon. Sinasabing gumagalaw ang Fault kada 400 taon. Ang huling matinding pagyanig na dulot ng paggalaw ng Fault ay nangyari noong 1658, o 357 taon na ang nakalipas, kaya may posibilidad na mangyari ang pinangangambahang “Big One” anumang oras ngayon.
Noong nakaraang linggo, itinanggi ng Phivolcs na nagbabala ang ahensiya laban sa malakas na lindol sa pagitan ng Pebrero 24 at Marso 28. Binigyang-diin ng ahensiya na walang aktuwal na paraan upang matukoy kung kailan mangyayari ang isang lindol. Bigla na lamang itong mangyayari kapag nasobrahan na ang pagkikiskisan ng walang tigil sa paggalaw na mga bahagi ng lupa.
Anumang oras ay mangyayari ang pinangangambahang ito habang papalapit ang ika-400 anibersaryo ng huling paggalaw ng West Valley Fault noong 1658. Ito ang dahilan kaya nagsasagawa ang bansa ng taunang shake drills, upang maiwasan ang maraming pagkasawi na maaaring idulot ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude sa Metro Manila. May posibilidad na umabot sa 34,000 ang bilang ng masasawi, batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), at aabot sa 100,000 iba pa ang masusugatan sa pagguho ng mga gusali at istruktura.
Walang aktuwal na babala ang Phivolcs para sa mga araw sa pagitan ng Pebrero 24 at Marso 28 kung mangyayari nga ang “Big One” ngunit marapat lang na handa tayo rito. Dapat na alam natin kung ano ang dapat gawin habang nangyayari at pagkatapos ng kalamidad, kung ano ang dapat na ihanda sa lahat ng oras, gaya ng pagkain at mga emergency medical kit, saan pupunta para humingi ng tulong medikal, at iba pa. Papalapit na tayo sa ika-400 taon makalipas ang 1658 nang huling gumalaw ang West Valley Fault na nagresulta sa malakas na lindol, at ang susunod dito ay maaaring mangyari anumang oras.