NAGKASUNDO ang Pilipinas at Cambodia na pagtibayin ang kanilang pagtutulungan sa larangan ng rice research at production.
Ipinagbigay-alam ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol kay Cambodian Agriculture Secretary Dr. Ty Sokhun, sa pagbisita ng huli sa bansa, na ninanais ng Pilipinas na makipagtulungan sa pag-aaral ng mga bagong teknolohiya sa pagpapatubo ng palay, partikular sa pagdedebelop ng iba’t ibang uri ng binhi at pagpapalitan ng kaalaman sa pagtatanim nito.
Inihayag ni Piñol na nagpaplano na siya na bumisita sa Cambodia sa Setyembre para magsaliksik sa pagtutulungan ng dalawang bansa pagdating sa agrikultura at matutuhan ang mga teknolohiya na ginagamit ng mga Cambodian sa pagsasaka ng palay.
Nasa 70 porsiyento ng lupang sakahan ng Cambodia ay nakaasa sa ulan bilang pinagkukunan ng tubig, habang nasa 30 porsiyento ng mga magsasaka ang gumagamit ng hybrid rice.
Bagamat nakapagtatanim lamang ang mga magsasaka sa Cambodia isang beses sa isang taon, nananatili pa rin ang Cambodia na isa sa mga pangunahing nagluluwas ng bigas sa Asia, na ang Pilipinas ang pangunahing nakakapag-angkat mula rito.
Sinabi ng mga opisyal ng Department of Agriculture sa delegasyon ng Cambodia na nais ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na matiyak ang kasapatan ng produksiyon ng bigas sa lumalaking pangangailangan ng mga kumukonsumong Pilipino.
Sa ilalim ng programa ng Department of Agriculture, inihayag ni Agriculture Assistant Secretary for Operations and National Deputy Director of Rice and Corn Program Frederico Laciste Jr. na layunin ng Pilipinas na mapasigla ang ani sa bawat ektarya kada taon ng mga lokal na magsasaka sa tulong ng pamumuhunan sa hybrid rice propagation upang makalikha ng sapat na bigas ang mga magsasaka para sa pangangailangan ng bansa.
“The program envisions a competitive and climate resilient rice industry that can provide the requirement of the country at any given time,” aniya. (PNA)