Patuloy na kinukumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ulat na pinugutan na ng ulo ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang bihag nitong German na si Jurgen Kantner, makaraang hindi makapagbigay ng P30-milyon ransom ang pamilya ng dayuhan nitong Linggo.

Ayon kay Col. Edgar Arevalo, hepe ng AFP-Public Affairs Office, patuloy nilang kinukumpirma ang ulat dahil hanggang kahapon ay wala pa silang natatanggap na opisyal na report na totoong napugutan na ang German.

Matatandaang nagbanta ang mga bandido na pupugutan si Kantner bandang 3:00 ng hapon nitong Linggo kung hindi mababayaran ang P30 milyon na hinihingi ng Abu Sayyaf.

Linggo ng gabi nang tumanggap ng intelligence report ang AFP at Philippine National Police (PNP) na tuluyang pinugutan si Kantner sa Sulu, ngunit kapwa nila nilinaw kahapon na wala pang kumpirmasyon ang nasabing report.

Probinsya

5 buwang sanggol, natabunan sa landslide sa Davao City

Ayon sa report sa PNP, pinugutan ang German ng grupo ng Abu Sayyaf leader na si Muammar Askali, alyas “Abu Rami”, sa Sitio Talibang sa Barangay Buanza, bandang 3:30 ng hapon nitong Linggo sa Indanan, Sulu.

Gayunman, hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay hindi pa natatagpuan ng pulisya at militar ang ulo o ang katawan ng dayuhan.

“Right now what we can inform you so far is that we still don't have confirmatiom with regards to the alleged beheading of the kidnap victim of the Abu Sayyaf,” sinabi ni Arevalo sa press briefing sa Camp Aguinaldo, Quezon City kahapon.

“But what we can tell you about is that the Armed Forces is still conducting a search and rescue posture, the conduct of focused military operation to recover and safely rescue the remaining hostages is ongoing and also to degrade their capability to fight the government,” dagdag ni Arevalo. “Let us continue to pray that your AFP will be able to rescue the kidnap victims.”

Humihingi na rin ng tulong ang AFP sa lokal na pamahalaan at sa Moro National Liberation Front (MNLF) upang matagpuan ang katawan o ulo ni Kantner, sakaling totoong pinugutan na nga ito. (FER TABOY at FRANCIS WAKEFIELD)