SA press conference noong Lunes ni retired police officer SPO3 Arturo Lascañas, may nakitang malaking halagang dolyar si Presidential Communication Secretary Martin Andanar na umikot sa panahong ito. Kaya, aniya, nabigyan ito ng media coverage. Nang puwersahin siya ng mga kapwa niya nasa media kung sino ang alam niyang tumanggap, wala naman siyang maituro.

Ang nasabi lang niya na ang pagbibigay ng media ng panahon kay Lascañas ay naglalayong siraan at pabagsakin ang administrasyong Duterte. Kasi, kung noong una, sa pagdinig na ginawa ng Committee on justice and human rights ni Sen. Gordon, pinabulaanan niya ang deklarasyon ni Edgar Matobato na siya ang pinuno ng death squad ni Pangulong Digong noong ito pa ang alkalde ng Davao City. Wala aniyang Davao Death Squad (DDS). Pero, dito sa naturang press conference, bumaligtad si Lascañas at inamin niyang may DDS na isa siya sa ginamit ng Pangulo na pumatay ng kanyang kalaban at mga kriminal.

Ngayon naman, si DoJ Secretary Vitaliano Aguirre ang nagsabing may dalawang nagtangkang manuhol sa mga preso para baligtarin ang kanilang naunang testimonya laban kay Sen. Leila de Lima. Pinangalanan niya sina dating Sen. Jambo Madrigal at dating Mayor ngayon ay Kongresista Lenlen Alonte ang nag-alok ng P100 milyon. May kamag-anak daw si Alonte na nakakulong at dito pinadadaan ang panunuhol. Mariing itinanggi nina Madrigal at Alonte ang paratang sa kanila ni Aguirre. Wala itong basehan at malisyoso, sabi ni Madrigal. Handa naman daw harapin ni Alonte ang paratang sa kanya. Nahaharap daw kasi ang dalawa sa kasong Obstruction of Justice.

Pero, bakit tulad ni Andanar, panunuhol ang inihahayag ni Aguirre para bumaligtad ang mga inmates na nauna nang nagdiin kay De Lima sa illegal drug trade? Gagamitin, aniya, ang mga salaysay na binago ng mga preso sa rally na magaganap sa pagdiriwang ng EDSA revolution laban kay Pangulong Digong.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Mukhang kumakabog na ang dibdib ng administrasyong Duterte sa multong kanya nang nagawa. Naaapektuhan na ito ng mga nangyari nang maramihang pagpatay sa sariling administrasyon. Totoo, may mga pinatay na mga sangkot sa droga, pero mayroon ding mga napatay na mga inosenteng... sibilyan. Karamihan sa mga napatay, kundi lahat ay mga dukha. Ginamit pa ng mga awtoridad ang deklarasyon ng Pangulo laban sa droga para mangikil at mangidnap at pumatay ng kanilang kalaban. Kaya tingnan ninyo ngayon ang ginawa ng administrasyong ito.

Ang People Power na makasaysayang naganap sa buhay natin bilang isang mamamayan na buong giting na nilagot ang tanikala ng pang-aalipin at paniniil ay minaliit na lang. Ang pagdiriwang ay ipinaganap sa loob ng kampo na hiwalay sa taumbayan. Pero, ang malawakang protestang pro-Duterte na dadaluhan daw ng isang milyong katao ay gagawin sa Luneta. Kailangan pa ba ito ng administrasyong naniniwala na malakas pa siya sa kanyang mamamayan? (Ric Valmonte)