Muling iginiit ni Senate President Pro Tempore Franklin Drilon kahapon na walang kakayahan ang Liberal Party na pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon gaya ng patuloy na ipinahihiwatig ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“We have no capability to topple this government. In fact as former President Aquino said, we are offering to help,” sabi ni Drilon sa panayam ng ANC Headstart.
Ang tinutukoy ni Drilon, isa sa mga haligi ng LP, ay ang naunang ipinahayag ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa isang panayam na walang katotohanan ang mga alegasyon na pinaplano ng kanilang partido na patalsikin si Duterte.
Tiniyak ito ni Aquino noong Sabado ng gabi sa ika-31 anibersaryo ng 1986 EDSA People Power Revolution.
“I repeat, wala po kaming kakayahan. We have no capacity to stage any destabilization and we will not,” ani Drilon.
Muling lumutang ang mga diumano’y pagsisikap na destabilisasyon kasunod ng pagkakaaresto kay Sen. Leila de Lima, na miyembro ng LP, kaugnay sa diumano’y pagkakasangkot nito sa ilegal na droga. (HANNAH L. TORREGOZA)