Sa kulungan ang bagsak ng isa umanong matandang binata matapos nitong hatawin ng tubo ang isang matandang babae sa Malabon City, kamakalawa ng madaling araw.
Kasong serious physical injuries at paglabag sa R.A. 9262 (women’s and children’s law) ang isinampa laban kay Michael Martin, 40, ng Rimas Road, Barangay Potrero ng nasabing lungsod.
Nagpapagaling naman sa ospital si Anita Bauzon, 69, biyuda, kalugar ng suspek, na nagtamo ng sugat sa ulo at kamay.
Sa salaysay ni Bauzon, bandang 4:00 ng madaling araw, umiinom siya ng kape sa harap ng isang tindahan na malapit sa kanilang bahay.
Makalipas ang ilang sandali, bigla umanong dumaan si Martin na may bitbit na tubo at tuluyang hinataw sa ulo ang biktima bago kumaripas papalayo.
Humingi ng tulong ang mga kaanak ni Bauzon at mabilis na rumesponde ang Police Community Precinct (PCP) Station 2 at tuluyang nadakma si Martin. (Orly L. Barcala)