AKLAN – Iginiit ng mga miyembro ng Federation of Aklan Public Integrated Transport Incorporated (FAIPTI) sa Kalibo na mismong ang gobyerno ang nagtutulak sa mga tsuper upang gumawa ng masamang bagay.

“Plano ng gobyerno na alisan kami ng kabuhayan. Sa tingin nila, paano kami kikita sa ganun? Tinuturuan kami ng gobyerno kung paano maging kriminal,” sinabi kahapon ni FAIPTI Secretary Jun Ignacio.

Pinangunahan ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON)-Panay, ang tigil-pasada kahapon upang tutulan ang panukala ng Department of Transportation (DoTr) na i-phase out ang mga pampasaherong jeepney na 15 taon pataas.

Iginiit ni PISTON-Panay President Edgar Salarda na magkakaroon ng negatibong epekto ang nasabing panukala sa kabuhayan ng mga driver sa bansa.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Sinabi pa ni Salarda na suportado ang tigil-pasada ng 90 porsiyento ng mga grupo ng transportasyon sa rehiyon.

Tinatayang 450 driver ng jeepney at bus mula sa iba’t ibang bayan sa Aklan ang nakiisa sa tigil-pasada, na nagsimula ng 12:00 ng umaga kahapon at tinapos ng 5:00 ng hapon.

Kaugnay nito, kinansela ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City ang mga klase sa lahat ng antas sa lungsod.

Ito ang napagpasyahan ni Mayor Jed Patrick Mabilog matapos na maraming pampasaherong jeep ang hindi pumasada kahapon, ayon kay Iloilo City Administrator Hernando Galvez.

Samantala, tumulong naman sa mga stranded na pasahero ang Philippine National Police (PNP), ang 3rd Infantry ng Philippine Army, at ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagbibigay ng libreng sakay. (Jun Aguirre at Tara Yap)