PALAYAN CITY - Usapin sa droga ang sinisilip na motibo sa pamamaslang sa isang 43-anyos na truck helper na tinambangan sa Nueva Ecija-Aurora Road sa Barangay Sapang Buho sa Palayan City, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Chief Insp. Arnel V. Santiago, kinilala ang napaslang na si Allan Tobias Pascual, 43, ng Bgy. Poblacion Norte, Rizal, na umano’y pangunahing drug personality sa Palayan.
Ayon sa imbestigasyon, dakong 10:00 ng gabi nitong Pebrero 22 at sakay si Pascual sa kolong-kolong na minamaneho ni Jacinto Bacdag Santos, 39, kasama sina Carolina Cordona de Guzman, 45; Jane Mesde, 22; Mylene Rilloza Palada, 34; at Irene Villegas, 33, pawang taga-Bgy. Caalibangbangan, Cabanatuan City.
Pagsapit sa Bgy. Sapang Buho ay hinarang sila ng puting van at bumaba roon ang dalawang armadong lalaki na nakasuot ng bonnet, at pinagbabaril si Pascual. (Light A. Nolasco)