Naapektuhan ng transport strike sa National Capital Region (NCR) ang aktibidad ng Commission on Elections (Comelec) kahapon.

Nakatakda sanang bumisita ang poll body sa ilang eskuwelahan at unibersidad nitong Lunes para sa kanilang “Voter Registration Awareness Caravan” para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre 23, 2017 ngunit nagpasyang kanselahin ito dahil sa transport strike.

Sa isang panayam, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na dahil sinuspindi ang mga klase dahil sa strike, nagpasya silang pansamantalang ipagpaliban ang kanilang aktibidad. “We will just push it on another day,” aniya.

“Classes were suspended in the universities, where we were supposed to visit, such as University of Santo Tomas (UST) and Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM),” dagdag ni Bautista.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Hindi man natuloy ang Comelec sa paglilibot sa iba’t ibang paaralan, itinuloy naman ng poll body ang paglulunsad ng caravan sa Intramuros, Manila.

“It is part of our mandate to ensure that there is voter awareness and education campaign but this caravan is focused on the youth. The voice of the youth is very big because 40 to 45 percent comprise 18 to 30 age bracket,” paliwanag ni Bautista sa paglulunsad.

Ibinalik ang registration of voters noong Nobyembre 7 at magtatapos ito sa Abril 29, 2017.

Sinabi ng Comelec na bukas ang mga opisina ng Election Officers upang tanggapin ang mga application mula Lunes hanggang Sabado, 8 ng umaga hanggang 5 ng hapon, maliban sa Abril 13 at 14, 2017. Kasabay nito ang pinaigting na mandatory satellite registration activities sa bawat barangay sa buong bansa. (Leslie Ann G. Aquino)