Personal na tiniyak ni Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP) kay Senator Leila de Lima ang seguridad ng senadora habang nakadetine sa maximum security detention facility sa loob ng Camp Crame sa Quezon City.
Inihayag ni Dela Rosa na dinalaw niya si De Lima kinagabihan ng unang araw nito sa detensiyon nitong Biyernes upang personal na alamin ang kalagayan nito sa loob ng PNP Custodial Center.
“She welcomed me, I talked to her and I told her that if security is the problem she is very secure, she has nothing to worry, she is very safe,” ani Dela Rosa.
Sa kanilang pag-uusap, sinabi ni Dela Rosa na tinanong din niya ang senadora tungkol sa kalusugan niot, dahil nalaman niya sa mga ulat na mayroon itong asthma.
“She did not cry. She was relaxed. I even asked if she’s okay there because I learned that she has an asthma and one of the walls there is newly-painted. She said she’s okay,” sabi ni Dela Rosa.
Matatandaang inaresto si De Lima nitong Biyernes sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng korte sa Muntinlupa na may kaugnayan sa isa sa tatlong drug charges laban sa kanya. Ang tatlong kaso ay non-bailable.
Samantala, sinabi rin ni Pangulong Rody Duterte kahapon na walang dapat ipag-alala si De Lima sa kaligtasan nito habang nasa kustodiya ng pulisya pero hinimok na magdasal na lumabas ang “alternative truth”.
Tiniyak ng Presidente na “100 percent safe” si De Lima sa pagkakadetine sa Camp Crame habang naghihintay ng paglilitis sa drug charges.
“I assure that she is safe. I think people are interested not to see her dead but to see her in prison for what she did,” sabi ng Presidente sa media interview sa Palasyo.
Nang tanungin kung ano ang kanyang mensahe kay De Lima, ang sabi ni Duterte: “Well, she can always pray that the truth will come out eventually if there is another truth.” (Aaron Recuenco at Genalyn Kabiling)