Hindi na makapambibiktima pa ang isang babae na umano’y manggagantso matapos niyang kumagat sa entrapment operation sa Quezon City, iniulat kahapon.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kinilala ang suspek na si Elsie Diana Ferrer na inaresto ng mga tauhan CIDG-Anti-Organized Crime Unit sa ikinasang operasyon sa isang convenience store, sa harap mismo ng Camp Crame, bandang 6:00 ng gabi.
Una rito, isang retiradong pulis, nakiusap na huwag muna siyang pangalanan, ang nagsampa ng reklamo laban kay Ferrer.
Pinag-loan umano ni Ferrer ang biktima sa Air Materiel Wing Savings and Loans Association (AMSLAI) at hiningan umano siya ng suspek ng P10,000 upang mabilis na maaprubahan ang kanyang loan.
Ngunit nang beripikahin umano ng biktima ang mga dokumentong ibinigay sa kanya ni Ferrer ay nadiskubre niyang peke ang mga ito.
Dahil dito, hindi nagdalawang-isip ang biktima na humingi ng saklolo sa CIDG na mabilis namang isinagawa ang operasyon.
Nang magkaharap sa tanggapan ng CIDG, humagulgol, nagmakaawa at naglulupasay sa sahig si Ferrer para patawarin siya ng biktima.
Iniimbestigahan na ngayon ng CIDG kung sinu-sino ang kasabwat ng suspek gayundin ang mga nabiktima ng mga ito.
(JUN FABON)