MARAMI ang nag-aabang sa My Dear Heart kung ano ang dahilan ng pagbabalik ni Ria Atayde bilang si Gia na anak ni Dra. Margaret Divinagracia (Coney Reyes) sa teleserye. Sa napanood nitong nakaraang linggo, galit siya sa nanay niya.
Ipinakita na sa kalabang ospital papasok si Gia (Ria) at nagsabing, “Kaya kong pagalingin ang batang iyon!” na ang tinutukoy ay si Heart (Nayomi Ramos) na hanggang ngayon ay comatose pa rin.
Nang mapanood siya ng mama niya ay binato nito ang telebisyon. Sa halip nga namang magtrabaho ang anak sa sarili nilang ospital, sa kalaban pumunta.
Mabigat ang papel ni Ria sa kanyang pagbabalik dahil siya ang magiging kontrabida ng nanay mismo niya.
Tinanong namin si Ria tungkol dito, lalo na’t bago ang papel na kontrabida kumpara sa una niyang seryeng Ningning bilang si Teacher Hope na sweet at mabait.
“Oo nga po, tita sobrang pressure ako, pero nagpapasalamat po ako sa Dreamscape kasi I feel more special kasi they believe na kaya kong gawin. Kaya pressured talaga,” pahayag ng baguhang aktres.
Pero naniniwala kami na maipapasa ito ni Ria knowing Dreamscape directors na ang gagaling mag-motivate ng mga artista nila at hindi ibinibigay ang isang role kung hindi nila alam na kaya itong gawin ng pagaganapin nila.
Si Coney na rin naman ang nagsabi sa press launch pa lang na marunong umarte si Ria na kailangan lang kontrolin at tanggalin ang pagiging conscious pa dahil baguhan. Nabanggit din niya na darating ang araw na magsa-shine ang dalaga.
Samantala, may nagkuwento sa amin na habang naghihintay ng eksena sa set ng My Dear Heart ay nakikipagkuwentuhan si Ria sa senior stars at hindi nahihiyang manghingi ng tips sa pag-arte.
Isang taon pa lang sa showbiz si Ria at itong My Dear Heart ang biggest break niya dahil dito masusubukan kung hanggang saan ang ibubuga niya sa pag-arte.
Samantala, malungkot si Ria na hindi siya makakasama sa Orlando, Florida sa Abril para mapanood ang kapatid niyang si Gela Atayde bilang isa sa Encienda Poveda Dance Group at Philippine Representative sa International Cheerleading Union Worlds Competition na gaganapin mismo sa loob ng Universal Studios. (REGGEE BONOAN)