lbc copy

TANGING pangarap at lumang bisikleta ang sandata ni Roel Quitoy ng Zamboanga City nang sumabak sa 2017 LBC Ronda Pilipinas.

Sa pagtatapos ng prestihiyosong karera sa susunod na weekend, katuparan ng pangarap ang maiuuwi niya, gayundin ang respeto mula sa mga karibal at kasangga pati na rin ang bagong bisikleta na magagamit sa susunod na karera.

Bunsod nang madamdaming kuwento na kinasangkutan ng 25-anyos na si Quitoy nang pagbidahan ang Stage 10 sa Tagaytay City, nagbigay ng bagong bisikleta ang isang tagahanga na kanyang magagamit sa pagbabalik ng aksiyon sa Huwebes.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Tangan ng lumang bisikleta, kabilang sa tinalo niya si red jersey leader at defending champion Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance. Ngayong may bago siyang kagamitan, asahan na makahirit muli ang pambato ng Mindanao.

Sa kabuuan ng 10 stage ng karera, naibulsa ni Quitoy ang pinakamalaking premyo na P20,000.

“Roel Quitoy of Team Mindanao just received his full sponsorship of a brand new 2017 Totem Sorento LTD Carbon Road bike from us,” pahayag ng Totem Bikes Philippines sa opisyal na post sa kanilang website.

“We would like to thank Superteam Wheels for providing Roel a carbon wheelset and to Ruel Cruzado of Multisport Hub Nuvali for making this happen,” anila.

Tinatayang P100,000 ang halaga ng bagong bike ni Quitoy, malayong-malayo sa dati niyang gamit na nagkakahalaga lamang ng P12,000.

Dahil sa kalumaan, muntik nang sumuko si Quitoy dahil sa aberyang nakuha sa unang araw ng karera.

Ngunit, dahil sa ipinahiram na bisikleta ni Paul Tan, nagawang makasabay ni Quitoy at nakahirit ng stage win sa torneo na may nakalaang P1 milyon para sa individual champion.

Pinasalamatan ni Quitoy ang mga taong naging bahagi para sa katuparan ng kanyang pangarap at pagkakaroon ng modernong kagamitan.

“Salamat po sa inyo. Hindi ko man po kayo kilala ng personal, naglaan kayo ng tulong sa akin. Pangako po, mas gagalingan ko sa mga susunod na stage,” pahayag ni Quitoy.

Magbabalik aksiyon matapos ang isang linggong pahinga sa Marso 2 para sa Stage 12 sa Guimaras, kasunod ang Stage 13 at 14 sa Marso 3-4 sa Iloilo City.

Itinataguyod ang Ronda ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.