Sinabi kahapon ni Senator Sherwin Gatchalian na hindi niya tinututulan ang iminungkahi kay Pangulong Duterte na muling maglunsad ng pinaigting na kampanya laban sa droga, ngunit nilinaw niyang dapat munang tiyaking wala na sa Philippine National Police (PNP) ang mga tiwaling operatiba nito.

Ito ang naging reaksiyon ni Gatchalian sa apela ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Sabado ng gabi sa pagtitipun-tipon ng mga tagasuporta ni Pangulong Duterte sa Quirino Grandstand sa Maynila na ibalik ang kampanya kontra droga.

Kilala bilang isa sa mga pangunahing kaalyado ng Pangulo, direktang nanawagan si Cayetano kay Duterte at sa PNP, sinabing sa pagkakasuspinde sa “Oplan Tokhang” ay bumalik ang maraming tulak sa pagbebenta ng ilegal na droga.

“I’ve served in the local government for a long time and I know what really needs to be done by our police and this administration is to cleanse the ranks of the PNP. That should be the priority,” sinabi ni Gatchalian, dating alkalde ng Valenzuela City, sa panayam ng DZBB.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Matatandaang sinuspinde ng Presidente ang pagpapatupad ng pulisya sa Oplan Tokhang kasunod ng pagkakadawit ng ilang pulis sa pagdukot at pagpatay sa Korean na si Jee Ick-Joo, na “inaresto” sa bintang na sangkot ito sa droga.

Paglilinaw ni Gatchalian, walang dudang epektibo ang drug war na inilunsad ng gobyerno, ngunit mahalaga, aniya, na makasumpong ang pamahalaan ng epektibong estratehiya at tamang balanse upang masugpo ang droga sa bansa.

“So I think what is important here is strategy on how to effectively eradicate illegal drugs. We’ve seen the problem, so let’s just readjust what should be done so that police, especially the scalawags, won’t abuse the (anti-drug) program,” ani Gatchalian. (Hannah L. Torregoza)