LIMANG grupo ng mga katutubo ang nakibahagi sa kauna-unahang Roxas Indigenous Peoples Tribal Games na idinaos sa hilagang Palawan kamakailan sa layuning panatilihin ang mga tradisyunal na laro at ilapit ang mga katutubo sa pamahalaan.

Lumahok ang mga kinatawan ng mga tribung Batak, Tagbanua Tandulanen, Cagayanen, Agutaynen at Cuyunon, pawang nakatira sa bayan ng Roxas sa hilagang bahagi ng Palawan, sa pagtatanghal ng palakasan na nagtatampok sa paggamit ng pana at pag-akyat sa puno sa tulong ng mga hibla ng rattan.

Sinabi ng panauhing pandangal, si Maj. Gen. Raul del Rosario ng Western Command, na ang pagsuporta nila sa mga grupo ng katutubo sa Palawan ay bahagi ng kanilang mandato na makatulong sa pagpapanatili ng mga libangan at larong tradisyunal na bahagi ng mayamang kultura ng lalawigan.

Ayon naman kay Lt. Col. Danilo Facundo, commanding officer ng 4th Marine Battalion Landing Team na nangasiwa sa mga larong katutubo, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga tradisyunal na palakasan ay mararamdaman ng mga katutubo ang serbisyo ng lokal na pamahalaan, napapalapit ang mga ito sa pangkalahatang komunidad, at naiiiwas ang mga katutubo sa mga pang-aabuso at pagsasamantala.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Simula umaga hanggang hapon ay nagpaligsahan sa mga tradisyunal na laro at nagtanghal ng mga katutubong awitin at sayaw ang mga kasapi ng limang tribo.

Ipinamalas din ng mga Cuyunon, ang itinuturing na pinakamataas ang uri sa lahat ng tribung Palaweño, ang pag-indak nila ng ‘pinundo-pondo’ sa saliw ng musika mula sa kumbinasyon ng pluta at tambol.

Nagtanghal din ang mamamayan sa kabundukang Batak ng isang sayaw na pangkultural sa ibabaw ng nagbabagang pinagputul-putol na kahoy.

Ang mga tradisyunal na aktibidad na ito, na bibihirang masilayan, ang nagiging dahilan upang maging kapana-panabik ang okasyon, ayon kay Roxas Mayor Angela Sabando.

Bakas ang kasiyahan sa kani-kanilang mukha, sa Hunyo ay muling magtitipun-tipon ang mga grupong katutubo para sa selebrasyon ng Baragatan Festival 2017, at muli silang lalahok sa mga katutubong laro, ayon kay Del Rosario.

Ang Tribal Games ay inorganisa at suportado ng Western Command, sa pamamagitan ng 4th Marine Battalion Landing Team na nakabase sa Roxas, ng 3rd Marine Brigade, ng National Commission on Indigenous Peoples, ng pamahalaang bayan ng Roxas, at ng pamahalaang panglalawigan ng Palawan. (PNA)