Nagtipon kamakailan ang mga miyembro ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at tinalakay ang mga plano at paghahanda sakaling tumama ang magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila.

Si NDRRMC Vice Chairperson for Preparedness at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ismael D. Sueno ang namuno sa pagpupulong nitong weekend sa NDRRMC Conference Room sa Camp General Emilio Aguinaldo, Quezon City.

Dumalo sa pagpupulong sina Vice Chairperson for Response at Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy M. Taguiwalo at NDRRMC Executive Director at Civil Defense Administrator Undersecretary Ricardo B. Jalad.

Kasama rin ang mga director ng Department of the Interior and Local Government (DILG), DSWD, Office of Civil Defense (OCD), Department of Science and Technology-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-Phivolcs), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health (DoH), Department of Education (DepEd), Department of Foreign Affairs (DFA), Metro Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire and Protection (BFP), PDRF, at ADMU gayundin ang Regional Directors ng OCD at DILG mula sa Luzon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iprinisinta ni Ishmael C. Narag ng Phivolcs ang Metro Manila West Valley Fault System kabilang na ang mga posibleng epekto ng magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila at mga katabing lalalawigan.

Binigyang-diin ni Narag na ang “Big One” ay hindi lamang para sa Metro Manila kundi para rin sa ibang mga rehiyon sa bansa kayat kailangan ng paghahanda ng buong lipunan.

Nagbigay naman si B/Gen. Manuel S. Gonzales ng MMDA ng overview sa “Oplan Metro Yakal Plus” na naglalatag ng contingency plan para sa lindol batay sa Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study (MMEIRS).

Ipinaliwanag ni Director Felino O. Castro V ng DSWD ang National Disaster Response Plan (NDRP) for Earthquake and Tsunami, na inaprubahan ng National Council noong Enero 17, 2017.

Sa talakayan, binigyang-diin ng National Council ang full utilization ng NDRP at inirekomenda na ihanay ng Local Government Units (LGUs) ang mga plano nito sa NDRP sa pag-asiste sa Metro Manila sakaling magkaroon ng lindol.

Nagpahayag naman si Taguiwalo na kailangang palakasin ang mga lokal na plano at tukuyin ang mga detalye ng ayudang kailangan mula sa LGUs.

Lilikha ang National Council ng Technical Working Group na magbabalangkas sa paggawa ng mga lokal na plano para sa mga aayudang rehiyon na posibleng maaapektuhan din.

Ipinanukala ang pagbuo sa isang grupo ng mga eksperto na magbabantay sa progreso ng mga paghahanda sa implementasyon ng NDRP for Earthquake and Tsunami. (FRANCIS T. WAKEFIELD)