KAPWA inihayag sa social media nina eight-division world champion Manny Pacquiao at two-time world titlist Amir Khan ng United Kingdom ang kanilang paghaharap sa Abril 23.
Ngunit, wala pang pormal na lugar kung saan ito magaganap.
Kinumpirma ni Pacquiao ang pagdepensa niya sa WBO title na muli niyang natamo nang talunin sa puntos noong nakaraang Nobyembre 5 sa Las Vegas, Nevada ang Amerikanong si Jessie Vargas
“Negotiations between team Pacquiao and team Khan have come to terms for the April 23 bout as this is what the fans wanted,” pahayag ni Pacquiao sa kanyang Twitter account.
“My team and I have agreed terms with Manny Pacquiao and his team for a super fight,” mensahe naman ni Khan sa kanyang social media followers.
Nangangahulugan ito na balewala na ang niluto ng promoter ni Pacquiao na si Bob Arum ng Top Rank Inc. para sa Abril 23 na duwelo kay No.2 contender Jeff Horn sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.
Inamin ni Arum sa ESPN na napakalaki ng alok ng UAE investors na $38 milyon para ganapin ang laban sa Abu Dhabi o Dubai at subalit duda siya kung totoo ang naturang alok.
Ngunit, batid ni Arum na may mga promoter sa London na kayang mag-alok ng higit sa $5 milyong premyo para gawin ang sagupaan sa London lalo kung gaganapin ang sagupaan nina Pacquiao at Khan sa Wembley Stadium.
“Manny seems to believe they will come up with the money. I have some reservations whether it will happen or not,” sabi ni Arum sa BoxingScene.com. “The Australian deal is not going to happen now, because Manny is trying to get a fight done in the United Arab Emirates, and the people there favor him fighting Amir Khan.”
May rekord si Pacquiao na 59-6-2, tampok ang 38 knockout, samantalang ang may dugong Arab na si Khan ay may kartadang 31-4-0, kabilang ang 19 na knockout.
Bagama’t hindi nakalista sa WBO, mataas ang ranking sa WBC ni Khan bilang No. 1 at mandatory contender sa kampeong si Danny Garcia ng United States at 4th ranked kay WBA welterweight titlist Keith Thurman.
Maghaharap sina Garcia at Thurman sa Marso 4 sa Brooklyn, New York kaya posibleng ang magwawagi ay magkakaroon ng unification bout sa mananalo kina Pacquiao at Khan. (Gilbert Espeña)