WASHINGTON (AP) — Pinatatag ng Utah Jazz ang pangunguna sa Northwest Division ng NBA nang pabagsakin ang Wizards, 102-92, nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Hataw si Gordon Hayward sa naiskor na 30 puntos, habang kumana si Rudy Gobert ng 15 puntos at 20 rebound para sa ikatlong sunod na panalo ng Utah. Nag-ambag si George Hill ng 21 puntos.
Natikman ng Washington, ang Southeast Division leader, ang ikalawang kabit na kabiguan – kauna-unahan para sa Wizards – mula sa unang linggo ng Enero.
Nanguna si John Wall sa natipang 23 puntos at 11 assist, habang tumipa si Bradley Beal ng 22 puntos para sa Wizards.
SPURS 119, LAKERS 98
Sa Los Angeles, kabiguan pa rin ang natikman ng Lakers sa kanilang unang laro sa home game mula nang pangalanan si retrired basketball legend Irving ‘Magic’ Johnson bilang bagong basketball operation chief.
Ginapi ng San Antonio Spurs, sa pangunguna ni Kawhi Leonard na kumana ng 25 puntos, ang Lakers sa harap nang nagbubunying home crowd.
Nag-ambag si LaMarcus Aldridge ng 16 puntos, habang kumasa si Paul Gasol laban sa dating koponan sa naiskor na 15 puntos para sa ikaapat na sunod na panalo at siyam sa huling 11 laro.
Nagdesisyon si Lakers owner Jeanie Buss na hawakan ni Johnson ang basketball operations, ngunit patuloy ang pagsadsad ng Lakers na nagtamo ng apat na sunod na kabiguan.
Nanguna si rookie Brandon Ingram sa natipang season-high 22 puntos para sa Lakers (19-41). Ito ang ikaapat na sunod na taon na bigong makausad sa playoff ang Lakers.
BUCKS 100, SUNS 96
Sa Milwaukee, hataw si ‘Greak Freak’ Giannis Antetokounmpo sa nakubrang 28 puntos, habang umiskor si Tony Snell ng krusyal na three-pointer para gabayan ang Bucks sa manipis na panalo kontra Phoenix Suns.
Nagsalansan sina Michael Beasley at Malcolm Brogdon ng 17 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod para makumpleto ang sweep sa two-game season series laban sa Suns. Kumubra rin si Greg Monroe ng 14 puntos, habang tumipa si Snell ng 13 puntos.
Nanguna sa Suns si TJ Warren sa naitumpok na 23 puntos, habang nailista ni Alan Williams ang career-high 17 puntos at 15 rebound, habang tumipa si Devin Booker ng 15 puntos.
GRIZZLIES 105, NUGGETS 98
Sa Denver, naisalpak ni Mike Conley ang 31 puntos, kabilang ang 13 sa fourth quarter para sandigan ang Memphis Grizzlies kontra Nuggets.
Tumapos si Zach Randolph na may 20 puntos at 11 rebound para tuldukan ang two-game losing skid ng Memphis, habang umiskor si Marc Gasol ng 23 puntos.