SA loob ng maraming buwan sa nakalipas na administrasyon ni Pangulong Aquino, naitala ang palitan ng dolyar sa piso sa $1-P46. Sa kalagitnaan ng nakalipas na taon, nagsimula itong gumalaw pabor sa tumataas ang halagang dolyar.
Matapos na magtagal sa palitang P49, bumulusok ang halaga ng piso sa P50 noong Disyembre, at naging P51 kada dolyar na ngayong buwan. Inaasahang patuloy na bababa ang halaga ng piso at tinaya ng Metrobank Research na aabot ang exchange rate sa $1-P51.30.
Batay sa kasaysayan, nagsimula ang palitan ng piso sa P2 kada dolyar sa panahong kinilala na ng Amerika ang kalayaan ng Pilipinas noong 1946. Nasa P4 naman ang palitan noong panahon ng administrasyong Macapagal, P6 sa unang bahagi ng administrasyong Marcos, naging P20 sa kasagsagan ng EDSA Revolution noong 1986, P27 nang magkaroon ng mga pagtatangkang kudeta laban sa gobyerno ni Cory Aquino noong 1989, P41 noong kainitan ng Asian Financial Crisis taong 1997, hanggang sa tuluy-tuloy nang bumaba at umabot na sa P51 sa kasalukuyan.
Halos hindi pansin ang epekto ng pagbabago ng palitan ng piso sa dolyar sa araw-araw na pamumuhay ng mga karaniwang Pilipino, ngunit marapat na mabatid natin na nakaaapekto ito sa buhay ng ibang tao sa maraming paraan. Dapat na alam natin kung magkano ang palitan ng piso sa dolyar, dahil ang epekto nito ay tiyak ding makapagdudulot ng pagbabago sa ating mga buhay, at partikular na malaki ang epekto para sa iba.
Kabilang sa mga inaasahang epekto nito ang:
Ang pagbulusok ng halaga ng piso kontra dolyar ay malaking pakinabang para sa ating mga overseas Filipino worker (OFW) na dolyar ang kinikita, na kapag ipinadala sa Pilipinas ay nangangahulugan ng mas maraming pera para sa mga pamilyang OFW. Ibig sabihin ay mas marami ang panggastos — mas masigla ang negosyo sa mga shopping mall at restaurant, mas maraming nabebentang condominium unit at iba pang ari-arian, maging sasakyan, at iba pa.
Sa kabilang banda, ang mababang halaga ng piso ay nangangahulugang kailangang dagdagan ng mga importer ang ibinabayad nila sa piso upang mabili ang kaparehong kalakal para tumbasan ang halaga nito sa dolyar. Asahan na natin ang mas mahal na imported na sasakyan, imported luxuries, at—ang pinakamahalaga sa lahat—inangkat na petrolyo. Ang mas mahal na gasolina at diesel ay nangangahulugan ng mas magastos na pagbibiyahe ng mga produktong pagkain, kaya naman awtomatikong tumataas ang presyo ng mga bilihin. Magbubunsod ito ng mas mataas na pasahe, dahil igigiit ng mga operator ng bus, jeepney at taxi na madagdagan ang kanilang kita upang hindi naman mabuhos lang ang kanilang kita sa pambayad ng petrolyo.
Para sa gobyerno, ang mababang halaga ng piso ay nangangahulugang mangangailangan ito ng mas maraming pera na pambayad sa debt servicing, ngunit napaulat na hindi naman ito dapat na ikabahala dahil mayroon naman tayong sapat na foreign reserves na nasa $80 billion. Ang mas malaking epekto ay nasa pinaplano ng pamahalaan na programang pang-imprastruktura ngayong taon, na magreresulta naman sa mas mataas na halaga ng mga gamit sa konstruksiyon.
Naniniwala ang mga ekonomista na hindi naman magiging malaki ang epekto sa ekonomiya ng bansa kung ang nananamlay na piso ay lalagapak sa P51.30 kada dolyar. Kung hihigit pa rito ay tiyak nang magdurusa ang ilang sektor ng ekonomiya.
Umaasa tayong ang patuloy na pagtatag ng dolyar ng Amerika — na sa totoo lang ay wala naman tayong magagawa — ay mabawasan na, dahil kung hindi ay labis na magdurusa ang ating ekonomiya at ang ating mamamayan.