NUEVA ECIJA - Pinayagan na ng korte sa Nueva Ecija na tumestigo si Mary Jane Veloso, na nasa death row sa Indonesia, laban sa mga taong umano’y luminlang sa kanya para ipuslit niya ang dalawang kilong heroin sa Yogyakarta Airport noong 2010.
Inihayag ng National Union of Peoples' Lawyers (NUPL) na sa Abril 27 maglalahad ng kanyang testimonya si Veloso laban sa sinasabing illegal recruiter niyang si Maria Cristina Sergio at kinakasama nitong si Julius Lacanilao.
Matatandaang Abril 2015 nang pansamantalang sinuspinde ng gobyerno ng Indonesia ang pagbitay kay Veloso para makapagbigay siya ng testimonya laban kina Sergio at Lacanilao, na nakulong at kinasuhan ng illegal recruitment at trafficking sa kaparehong taon.
Nabatid na bagamat pinagbigyan ng korte ang mosyon ng prosekusyon na kunin ang deposition ni Veloso noong 2016, nahahadlangan ng mga mosyon na inihain ng abogado ng depensa ang kanyang pagbibigay ng testimonya.
Mula sa Yogyakarta prison sa Indonesia ay sasagutin ni Veloso sa Abril 27 ang mga nakasulat na katanungan sa harap ni Nueva Ecija Regional Trial Court (RTC) Branch 88 Judge Anarica Castillo-Reyes bilang tagamasid, ng mga abogado ng NULP, ng mga prosecutor ng Department of Justice, ng kinatawan ng Department of Foreign Affairs, at ng mga abogado nina Sergio at Lacanilao. (Light A. Nolasco)