NITONG weekend, kabi-kabilang rally ang idinaos kasabay ng paggunita sa ika-31 taong anibersaryo ng 1986 EDSA People Power. Sinabi kong kasabay dahil hindi ko naramdaman na ang mga rally ay para palakasin at pagyamanin ang demokrasyang idinulot nito sa atin, bagkus ramdam kong may kani-kanyang agendang pampulitika ang mga may pakulo nito – kani-kanyang lugar, gimik at hakot, at siyempre paramihan ng miyembro ang bawat grupo.
Sa puntong paramihan ng mga miyembro sa rally, palaging nagkakatalo ang nag-organisa nito at kadalasan ay dinaragdagan nila ang bilang para ipakita sa mga tao na marami ang sumusuporta sa kanilang grupo at anumang adhikain nito.
Sa buong Metro Manila, may anim na piling lugar na palaging pinagdarausan ng mga rally – Mendiola, Plaza Miranda at Luneta sa Maynila; Quezon Circle, Welcome Rotunda at EDSA sa Quezon City – ang Luneta ang gagawin nating “subject of discussion” sa ating pag-aaral mag-compute.
Sa maniwala kayo o hindi, kasya ang milyun-milyong katao sa buong Luneta Park depende sa sinasabi ng nag-organisa ng rally doon, iyon naman ay kung magpapabola kayo na kadalasang ginagawa ninyo lalo pa’t kampi kayo sa grupong may pakana ng rally.
Ngunit sa totoo lang, kung ang susundin natin ay ang tamang computation batay sa laki ng buong lugar sa SQUARE METER at ang bilang ng tao na mailalagay sa isang SQUARE METER – kahit pa pagbali-baligtarin ang pagkuwenta ay ‘di lalampas sa isang milyong katao ang magkakasya rito.
Ang buong Luneta Park, mula sa dagat hanggang sa Taft Avenue, ay may lawak na 48 ektarya. Dahil ang 1 ektarya ay katumbas ng 10,000 square meter, ito ay may kabuuang 480,000 square meter (48 x 10,000 square meter). Sa buong sukat na ito ay kasama pa ‘yung mga nakatayong gusali at maliliit na parke, gaya ng Department of Tourism, Agrifina Circle, National Library, Chinese Garden, Japanese Garden, at ang malawak na lagoon na may fountain sa gitna – siyempre, ‘di na mapupuwestuhan ng mga raliyista ang mga lugar na ito kaya dapat bawasan natin ang 480,000 square meter.
Pero huwag na, gamitin na rin natin... ang kabuuang 480,000 square meter sa ating computation – ang tanong ngayon:
ilang tao ang ilalagay natin sa kada isang square meter na makagagalaw pa sila at hindi siksikan?
Para makuha ang kabuuang bilang, paramihin (i-multiply) ninyo ang 480,000 sa tingin n’yong bilang (1 to 4) ng taong magkakasya sa isang square meter – para sa akin, sobra-sobra ang isang tao kada square meter, kasi maraming lugar ang hindi naman maaaring puwestuhan ng tao dahil may mga nakatayong istruktura…at isaisip din natin na ang rally palaging sa lugar lang ng Quirino Grandstand ginagawa, na nasa ‘sangkatlo (one third) lang ng buong Luneta Park.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)