DAVAO CITY – Naungusan ng Luisita ang Canlubang sa dikdikang pagtatapos para tuldukan ang dalawang taong pamamayagpag ng Laguna-based squad nitong Sabado sa 31st Philippine Airlines Senior Interclub golf team championship.

Pinangunahan ng apat na dating club champion, umarya ang Tarlac-based squad sa kabuuang 594 puntos sa apat na araw na duwelo at ungusan ang Canlubang ng 11 puntos.

Kumubra si Rodel Mangulabnan, isa sa apat na bagong recruit ng Luisita, ng 50 puntos sa Apo Golf and Country Club, para pantayan ang iskor sa first round sapat para sandigan ang Luisita sa kabila ng malamyang laro ng mga kasangga.

Nabawasan ng anim na puntos sa front nine si Eddie Bagtas, lider ng Luisita, para makapag-ambag ng 45 puntos, habang nabilang sina Jingy Tuason at Alan Alegre para sa final round 139 puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naghabol ang Canlubang sa 22 puntos na bentahe ng Luisita, ngunit hindi na nakaporma ng todo sa krusyal na sandali.

Umiskor sina Abe Rosal at Dave Hernandez ng parehong 52 puntos, ngunit nakadale lamang ng 48 puntos si Rene Unson.

Nakasingit ang Del Monte para makopo ang ikalawang puwesto mula sa matikas na laro nina Arsenio Mondilla (45), Erning Apas (44) at Virgilio Adag (39).

Ito ang ika-16 na titulo ng Luisita sa pamosong torneo, sapat para masementuhan ang kanilang katayuan bilang pinakamatagumpay na koponan sa senior side ng naturang event.

“This team will carry us in the next eight or 10 years,” sambit ni Luisita non-captain Jeric Hechanova, nagsagawa ng revamp matapos matalo sa Canlubang sa nakalipas na taon sa Clark, Pampanga.

Bukod kay Mangulabnan, kabilang din sa bagong recruit sina Raffy Garcia, Edmund Yee at Alegre.

“I don’t know what happened. Everyone played badly that day,” pahayag ni Canlubang team owner Luigi Yulo, patungkol sa masamang laro ng koponan sa Day One.

Ang torneo ay itinataguyod ng Mareco Broadcasting Network, A&E Networks Asia, RMN Networks, The Manila Standard, Fox Networks Group, Rolls-Royce, TV5, MasterCard, TFC at Business Mirror, sa pakikipagtulungan ng Asian Air Safari, Airbus, Primax Broadcasting Network, Sabre Airline Solutions, Baron Travel Corporation, Boeing, MX3, GE Aviation, Bombo Radyo Philippines, Asia Brewery, Tanduay Distillers, Tourism Promotions Board, Shangri-La at The Fort, Trinity Insurance at Eton Properties.