Damien copy

UMUKIT ng kasaysayan si Damien Chazelle bilang pinakabatang direktor na nanalo ng Best Director sa 89th Academy Awards na ginanap kahapon.

Katutuntong pa lang sa edad na 32 noong nakaraang buwan, sinira ni Chazelle – na naging pinakabata ring nanalo ng Golden Globes Best Director kamakailan – ang record ng dating pinakabatang tumanggap ng best director award noong 1931 na si Norman Taurog, na 32 anyos at mas matanda ng 260 araw kay Damien nang manalo para sa Skippy.

Bumulaga at naging matunog ang pangalan ni Chazelle noong 2014 nang maging nominado sa Oscars ang kanyang Whiplash ng Best Adapted Screenplay at Best Picture. Humakot na ng awards ang kasunod na ginawa niyang La La Land, na pinagbibidahan ni Emma Stone, na nanalo ng Best Actress sa Oscar, at ni Ryan Gosling na nominado naman bilang Best Actor.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Iniuwi rin ni Chazelle ang DGA Award, na kadalasang nagsisilbing senyales ng pagkakapanalo sa Oscar.

Bigatin at mga beteranong direktor ang nakatunggali ni Chazelle para sa Best Director ng Oscar. Tinalo niya sina Mel Gibson para sa Hacksaw Ridge, Barry Jenkins ng Moonlight, Kenneth Lonergan para sa Machester by the Sea, at Denis Villanueva ng Arrival.

“What’s so great about a musical is — when it works — the genre has the potential for emotion that’s unmatched by any other,” saad ni Chazelle noong Nobyembre. “But when it doesn’t, there is nothing as embarrassing.” (ET Online)