TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Mariing ipinag-utos ni Gov. Manuel Mamba ang pagsasagawa ng awtoridad ng masusing imbestigasyon kaugnay ng pagkawala ng 34 na matataas na kalibre ng baril, na napaulat na nakarehistro sa pamahalaang panglalawigan.

Kasabay nito, nakiusap si Mamba sa Regional Civil Security Unit ng Police Regional Office (PRO)-2 na alisan ng pananagutang kriminal o administratibo ang pamahalaang panglalawigan ng Cagayan kaugnay ng pagkawala ng matataas na kalibre ng baril.

Sa kanyang liham, iginiit ng gobernador na walang Memorandum Receipt na makapagpapatunay na opisyal na napasakamay ng pamahalaang panglalawigan ang 34 high-powered firearms na ipinapa-renew ang lisensiya.

Nauna rito, nag-abiso noong nakaraang taon ang hepe ng Tuguegarao City Police sa punong panlalawigan na i-renew ang mga lisensiya ng 34 na caliber 7.62 na nakapangalan sa pamahalaang panglalawigan.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Ayon sa data base ng Firearms and Explosive Unit sa Camp Crame, nakarehistro sa pamahalaang panglalawigan ang 30 AK 47 assault rifle, na naisyuhan ng lisensiya noong Setyembre 25, 2012; at apat na Norin 7.62 caliber rifle na naiparehistro noong Setyembre 13, 2013, at pawang mapapaso ang lisensiya ng Marso 31, 2014.

Sa pahayag ng Cagayan Public Information Office sa Facebook account nito, sinabing lahat ng nabanggit na armas ay nakapangalan sa pamahalaang panlalawigan noong panahon ng administrasyon ni dating Gov. Alvaro Antonio.

Gayunman, lumabas na walang record at wala rin sa kustodiya ng General Services Office ng kapitolyo ang mga hinahanap na baril, kaya nais malaman ni Mamba kung sinadyang burahin ang mga nasabing armas sa records ng kapitolyo.

(Liezle Basa Iñigo)