Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapatuloy ng walang tigil na operasyon ng militar laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) upang mailigtas ang bihag nitong German na si Jurgen Kantner.

Matatandaang nagbanta ang Abu Sayyaf na pupugutan si Kantner bandang 3:00 ng hapon kahapon, Pebrero 26, kapag hindi nabayaran ang hinihingi ng grupo na P30 milyon ransom kapalit ng pagpapalaya rito.

Sa isinapublikong dalawang minuto at 19-segundong video, makikita ang nanghihinang si Kantner, 70, habang nagmamakaawa sa mga awtoridad sa Germany at sa Pilipinas na tumulong sa pagkalap ng P30 milyon ransom, na kung hindi babayaran ay papatayin siya ng mga bandido bandang 3:00 ng hapon ng Pebrero 26, 2017.

Sa isang pahayag, sinabi ni AFP Spokesman Air Force Brigadier General Restituto Padilla na hindi nila titigilan ang kanilang opensiba dahil mahalagang kaagad na mailigtas ang mga bihag, partikular na si Kantner.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ng AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) na may deadline man o wala ay ginagawa ng militar ang lahat upang tugisin at durugin ang mga bandido at iligtas ang mga bihag.

Sa mga naunang press briefing sa Camp Aguinaldo, Quezon City, nagpahayag ng kumpiyansa si AFP Public Affairs Office (PAO) chief Marine Col. Edgard Arevalo na maililigtas ng militar si Kantner, sa pagpupursige na rin ng Army at ng AFP Joint Task Force Sulu.

Sa kasalukuyan, bihag pa rin ng Abu Sayyaf ang 33 katao, 26 sa mga ito ay dayuhan, ayon kay Arevalo.

(FRANCIS T. WAKEFIELD)