Kalaboso ang dalawang menor de edad nang mabisto umano sa pagnanakaw ng mga produktong pampaganda at pantalon sa dalawang mall sa Sta. Cruz, Maynila, iniulat kahapon.
Unang inaresto ang isang 17-anyos na babae, estudyante, at residente ng Marzan Street sa Sampaloc, Maynila, dakong 3:30 ng hapon kamakalawa sa department store ng SM San Lazaro.
Tinangka umanong tangayin ng suspek ang dalawang pirasong BYS Matte Foundation, isang pirasong Maybelline Dream Velvet at isang pirasong BYS Concealer na aabot sa P2,196 ang kabuuang halaga.
Kaagad itong sinita at inaresto ng guwardiya nang makitang hindi nito binayaran sa cashier ang mga kinuhang items.
Samantala, dakong 2:00 ng hapon naman nang dakpin ang 16-anyos na lalaki, ng Barangay Bahay Tuliro sa Quezon City, nang tangkaing ilabas nang hindi binabayaran ang isang VonDutch na pantalon, nagkakahalaga ng P1,699.75, sa department store ng Isetann Recto sa Claro M. Recto Avenue.
Kapwa sinampahan ng kasong shoplifting ang mga suspek.
Nakikipag-ugnayan na umano ang awtoridad sa Manila Department of Social Welfare upang kaagad na mai-turn over sa Manila Youth Recreational Center ang mga suspek. (Mary Ann Santiago)