COTABATO CITY – Naaresto ng mga pulis sa Shariff Aguak, Maguindanao ang dalawang hinihinalang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na sangkot sa engkuwentrong pumatay sa 44 na operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa bayan ng Mamasapano, noong Enero 25, 2015.
Kinilala ni Maguindanao Police Provincial Office (PPO) Director Senior Supt. Agustin Tello ang dinakip na sina Lakiman Dawaling at Mustapha Tatak, umano’y kapwa miyembro ng BIFF.
Ayon kay Tello, inaresto ng nagsanib-puwersang mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Maguindanao PPO ang dalawang bandido sa Shariff Aguak nitong Pebrero 24 ng umaga.
Kabilang sina Dawaling at Tatak sa ilang BIFF guerrilla na umatake sa mga police commando sa Mamasapano makaraang mapatay ng mga ito ang wanted na teroristang Malaysian na si Zulkilfli bin Hir, alyas Marwan, noong Enero 25, 2015.
Bukod sa 44 na miyembro ng SAF, 17 kasapi rin ng Moro Islamic Liberation Front at limang sibilyan ang nasawi sa engkuwentro. (Ali G. Macabalang)