Naniniwala si Senator Antonio Trillanes IV na lumilinaw na sa sambayanan ang tunay na intensiyon ng administrasyong Duterte sa pagpapakulong kay Senator Leila de Lima.
“Nalalaman na ng mga kababayan natin kung anong klaseng tao, anong klaseng monster si President Duterte,” sabi ni Trillanes.
Aniya, ang buong akala ng administrasyon ay matatakot ang sambayanan sa pagkakakulong kay De Lima, pero sinabi niyang taliwas ito sa mga nangyayari, dahil handa nang manindigan ang taumbayan ngayon.
“Heto sana ‘yung ayaw nilang mangyari, kaya nga nila ginawa ‘yung illegal arrest at persecution na ito, para nga sana matakot ang mga kalaban ng administrasyon, [pero] kabaligtaran ‘yung nangyari. Ang ordinaryong tao, lumalakas ang boses,” sabi ni Trillanes.
Kaugnay nito, tiniyak ng senador na hindi niya titigilan ang Presidente hanggang sa maipakulong niya ito.
“Ako, ang susunod? Plano nila akong unahin, eh. Pero sige, bring it on, do your worst,” hamon ni Trillanes.
“Hahabulin ko 'tong si Duterte. The moment na mawala na siya sa poder ng kapangyarihan, ipapakulong kita, hahabulin kita.”
Isa si Trillanes sa mga unang dumalaw kay De Lima sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, at sinabi niyang gaya ng senadora ay hindi rin natitinag ang kanyang paninindigan.
“I am motivated more than ever, mas ginaganahan ako na i-expose itong pagkatao ni President Duterte, na siya ay isang mandarambong at mamamatay tao. Hindi ako titigil hangga’t hindi namumulat ang sambayanang Pilipino. Talagang pananagutin natin siya, hahabulin at hahabulin ko siya. Hindi ko siya titigilan,” dagdag pa ni Trillanes.
Aniya, kinakabahan na ngayon ang kampo ni Pangulong Duterte kasunod ng pagkumpirma ng self-confessed leader ng Davao Death Squad, ang retiradong pulis-Davao na si SPO3 Arthur Lascañas, sa mga testimonya ni Edgar Matobato tungkol sa mga umano’y ipinapatay ni Duterte sa grupo noong alkalde pa ito ng Davao City.
‘MALAYA ANG MGA KRITIKO’
Samantala, pinawi naman ng Malacañang ang pagkabahala ng mga kritiko ng gobyerno kasunod ng pagkakulong ni De Lima.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, walang dapat na ikatakot at ang iba pang kritiko ni Pangulong Duterte na sila naman ang isusunod sa senadora bilang ganti sa pagbatikos sa administrasyon.
“Malaya ang mga kritiko na magsalita laban sa administrasyon at hindi sila gagalawin basta walang gagawing paglabag sa batas,” sabi ni Abella.
Iginiit din ni Abella na hindi pulitika ang nasa likod ng pagdakip kay De Lima dahil kasong kriminal ang kinahaharap nito. (Leonel Abasola at Beth Camia)