Laglag sa ikinasang entrapment operation ng Quezon City police ang binansagang “sextortionist”, nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa pulis, tinakot umano ni Jefferson Juanite, 23, ng Aquino Street, Sitio Militar, Barangay Bahay Toro, ang dati niyang nobya na ipo-post niya sa social media ang mga hubad nitong larawan at pati na rin ang kanilang mga sex video kapag hindi ito pumayag na makipagbalikan sa kanya.
Inaresto si Juanite ng mga operatiba ng QCPD’s special operations unit (DSOU)sa Farmers Market, Cubao, Quezon City, dakong 9:00 ng gabi ng gabi nitong Biyernes.
Bago siya maaresto, isang 27-anyos na babae ang humingi ng tulong sa DSOU matapos makatanggap ng mga pagbabanta mula kay Juanite na lihim umanong kinuhanan ng litrato at video ang kanilang pagtatalik noong magkasintahan pa sila. May asawa na ngayon ang biktima, ayon sa pulis.
Sa salaysay ng biktima sa mga pulis, nitong Pebrero 22 ay ipinost sa Facebook ni Juanite ang isa sa mga hubad niyang litrato. Ipinadala rin umano ni Juanite, sa pamamagitan ng Messenger, ang nasabing litrato sa isang malapit na kaibigan at nakatatandang kapatid ng biktima.
Tinawagan din umano ni Juanite ang biktima nitong Huwebes at hiningan ito ng P30,000 bilang kapalit ng pagbura sa litrato ng biktima at nakikipagkita sa isang fast food sa Muñoz, Project 7.
Nagtungo ang DSOU team, sinamahan ng dalawang operatiba mula sa District Women and Children’s Protection team, sa kanilang meeting place, ngunit hindi umano nagpakita ang suspek.
Inilunsad ng DSOU ang kanilang follow-up operation noong araw ding iyon matapos makatanggap ng tawag ang biktima mula suspek na nagsabing makipagkita sa ibang fast food chain sa Cubao.
Nakita ng mga pulis ang pagtanggap ni Juanite ng P30,000 entrapment money mula sa biktima na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.
Nakumpiska rin sa kanya ang dalawang cell phone, at isang flash drive na pinaniniwalaang naglalaman ng maseselang larawan at video.
Kasong extortion, cybercrime at paglabag sa mga batas na pumuprotekta sa kababaihan ang inihahanda ng QCPD laban kay Juanite. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)