SA paggunita at pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution, hindi maiwasan na marami sa ating kababayan ang magpahayag ng kani-kanilang pananaw sa Himagsikan na nagpabagsak sa 20 taong pamamayagpag ng rehimen at diktaduryang Marcos.
Sa EDSA Revolution, ipinakita ng mga Pilipino ang kanilang pagkakaisa. Naghatid sa kanila sa kadakilaan at matibay na pananampalataya. Walang nagawa ang mga tangke at baril ng mga sundalo sa batalyon ng mga taong nagdarasal. Nangibabaw ang tagumpay ng sambayanan. Napalayas sa Malacañang ang diktador. Tumakas at nagtungo sa Hawaii kasama ang pamilya at ilang tuta sa gabinete.
May naniniwala naman na ang mitsa ng EDSA People Power Revolution ay ang pagyurak at paglapastangan sa mga karapatan ng mga mamamayan. Matitiis ng tao ang katiwalian ngunit ang pag-insulto sa kanilang dignidad ay talagang hindi nila palalampasin. Sa pagkawala ng kapangyarihan at mga karapatan ng mga mamamayan, naramdaman at naranasan ng mga Pilipino na ang kanilang dignidad na ang mismong niyurakan.
Sa EDSA People Power Revolution, inasahan ng mga Pilipino ang pagbabago sa lipunan at mawawala na ang katiwalian sa gobyerno na naging “world class” ang uri sa panahon ng diktadurya at rehimeng Marcos.
Sa EDSA People Power Revolution, nagkaroon din ng pag-asa na magsisimula at magkakaroon ng mga pagbabago. Ngunit habang naghihintay ang sambayanan, nagsimula nang magkaroon ng mga balimbing at sipsip sa pumalit na rehimen. Isa na sanang magandang pagkakataon ang EDSA People Power Revolution sa mga inaasahang pagbabago sa gobyerno at lipunan.
Ngunit nabigo sa paghihintay ng mga Pilipino sapagkat nagpalitan lamang ng mga lider na tulad ng pinatalsik na diktador ang umupo sa poder. Naging rigodon ng mga piling uri, elitista, naghaharing-uri sa lipunan at mapagsamantala ang pamamahala sa gobyerno. Nakisawsaw sa pagsasamantala ang mga Kamag-anak Incorporated at iba pang matatalinong bugok.
May nagsabing ang diwa ng EDSA Revolution ay tinalo na rin ng pagbabalik ng katiwalian sa pamahalaan at ng pamamayagpag muli ng mga political descendant ng diktador. Patuloy pa rin ang paglabag sa mga karapatang pantao.
Ayon naman kay dating Pangulong Fidel V. Ramos, ang EDSA Revolution ay isang pag-asa na muling tiyakin ang makasaysayang ugnayan ng mapagpalayang diwa ng EDSA sa mga naunang yugto ng tapang at sakripisyo ng mga Pilipino.
Pinatingkad ng pagmamahal sa bayan ng Himagsikan noong 1896 sa Pugad-Lawin, ng mga nagtanggol sa Bataan at Corregidor noong 1942. At ang pinakahuli ay ang sakripisyo ng ating 44 SAF (Special Action Force) commandos sa Mamasapano, Maguindanao.
Ang EDSA Revolution, sa pananaw naman ni Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng CBCP (Catholic Bishops’ Conference of the Philippines), ay hindi tungkol sa mga kaaway ng kapayapaan at demokrasya kundi ng pananampalataya at katapatan ng mga mamamayan na nananawagan sa Panginoon sa kanilang pagkabalisa at ang pagluha nila ay dininig ng Panginoon na mula sa langit. Ang EDSA ay ang pagluha ng mga mamamayan at mapagmahal na sagot ng Diyos. (Clemen Bautista)