KUALA LUMPUR, Malaysia (AP) – Sinabi ni Health Minister Subramaniam Sathasivam kahapon na lumabas sa autopsy na isang nerve agent ang nagdulot ng “very serious paralysis” na ikinamatay ni Kim Jong Nam, habang sinuyod ng pulisya ang budget terminal kung saan siya nilason at idineklarang ligtas.
Pinatay ang half brother ni North Korean leader Kim Jong Un sa gitna ng maraming biyahero sa Kuala Lumpur International Airport at lumalabas na planado ito.
Libu-libong pasahero na ang dumaan sa paliparan simula nang maganap ang pagpatay. Walang isinarang bahagi nito, at wala ring isinagawang protective measures. Sinabi ni Subramaniam na wala silang natanggap na ulat na may nagkasakit dahil sa lason.
Noong Sabado ng gabi, sinuyod ng pulisya ang budget terminal para alamin kung may mga bakas ng mabagsik na VX.
Sinabi ni Abdul Samah Mat, namumuno sa imbestigasyon ng pulisya, matapos ang dalawang oras na pagsuyod, na wala silang na-detect na nakalalasong materyal. Idineklara niya ang budget terminal na “free from any form of contamination of hazardous material” at “safe zone.”