ISA itong tunay na nakatutuwang balita — susuportahan ng European Union at ng gobyerno ng Spain, sa halagang P1 bilyon, ang programang Governance in Justice ng Pilipinas na inilunsad nitong Huwebes sa Manila Hotel.
Pinangunahan ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema ang mga opisyal ng pamahalaan sa paglulunsad ng programa na inaasahang magpapaigting sa rule of law at makatutulong upang mapabilis ang tuluy-tuloy at epektibong paggagawad ng hustisya sa bansa. Kasama ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at si Local Government Secretary Ismael Sueno.
“The European Union is very happy to support the Philippine justice sector reform agenda,” sabi ni European Union Ambassador Franz Jessen. Magkakaloob ang EU ng P850 milyon, habang ang Spain, na kinatawan ni Ambassador Luis Antonio Calvo, ay magbibigay naman ng P150 milyon.
Napakahalaga ng suportang ito ng European Union sa harap ng mga ulat tungkol sa reaksiyon ng mundo sa mga kaganapan sa Pilipinas. “The Philippines is in the European headlines almost on a weekly basis,” sinabi ni European Chamber of Commerce of the Philippines Executive Director Florian Gottein. Nagdudulot ng kawalang katiyakan ang mga kontrobersiyang pulitikal na kinasasangkutan ng bagong administrasyon, aniya.
Sa unang bahagi ng linggong ito, sinabi ni British Ambassador Asif Ahmad na nabahala ang mga kumpanyang Briton tungkol sa isang panukalang isinusulong sa Pilipinas, na mangangahulugang tatalikuran ng bansa ang isang tratado na nananawagan sa lahat ng nagratipikang bansa na pagtibayin ang pagpapatigil sa pagpapataw ng parusang kamatayan.
Ipinaliwanag na nangangamba ang mga kumpanyang British sa posibilidad na may tsansang handa rin ang bansa na talikuran ang mga tratadong pangkalakalan.
At nariyan din ang taunang ulat ng Amnesty International tungkol sa mga pag-abuso sa karapatang pantao sa iba’t ibang dako ng mundo, at partikular nitong binigyan ng espesyal na atensiyon sina United States President Donald Trump, Hungarian Prime Minister Viktor Orban, Turkish President Recep Tayyip Erdogan—at ang ating Pangulong Rodrigo Duterte.
Subalit ang malawakang suporta na ipinagkaloob ng European Union at ng Spain sa programang Governance in Justice ng bansa ay dapat na makatulong upang makontra ang mga hindi paborableng ulat na ito. Ito ay isang kongkretong programa ng pagkilos na inilunsad upang isulong ang pagiging mahusay, epektibo at pagkakaroon ng pananagutan sa sistema ng hustisya sa Pilipinas.
Tunay na marami pang kailangang gawin — upang mabawasan ang sangkatutak na court docket, halimbawa, sa pagpapahusay sa kakayahan ng ating mga hukom at ng iba pang sektor ng hudikatura — ngunit kailangan nating gawin ang mga ito, at ganap nating isasakatuparan sa tulong ng European Union, partikular na ng Spain, na labis nating pinasasalamatan ang hindi nagmamaliw na tiwala at suporta sa ating bansa.