Walang partikular na kulay na namayagpag sa pagtitipun-tipon ng nasa 45 civil society organization sa EDSA People Power Monument kahapon upang bigyang-diin ang “power of the people” sa paggunita sa ika-31 anibersaryo ng mapayapang rebolusyon na nagwakas sa 21-taong diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. noong 1986.

Idinaos kahapon ng iba’t ibang grupo ang “Power of We” movement upang ipagdiwang ang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Inorganisa ito ng February 25 Coalition, na binubuo ng mga grupong anti-Marcos, mga human rights organization, mga environmentalist, at mga grupong relihiyoso at kabataan, kabilang ang #BlockMarcos, bukod pa sa iba’t ibang militanteng grupo.

“The movement highlights the power of the people who have united against the dictatorship we experienced under the Marcos regime…This is absolutely a multi-color, multi-partisan call. We are together in this movement, wala pong dilaw o pula o ano pang mga kulay. Filipinos are united in this celebration,” sabi ni Jozy Acosta-Nisperos, ng Coalition Against the Marcos Burial (CAMB).

Sinabi ni Nisperos na bagamat inirerespeto nila ang desisyon ng gobyerno na gawing simple ang paggunita sa okasyon—na idinaos nitong Biyernes sa loob ng Camp Aguinaldo sa Quezon City—sinabi niyang “From the people’s perspective, we are going to celebrate it the big way…It’s actually fantastic that this year’s celebration is citizen-led…We have the power.”

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nilinaw din ni Nisperos na hindi ipinanawagan ng kanilang rally ang pagpapatalsik sa puwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“It is not about ousting Duterte, it is about asking him to put the people first in his decisions. It’s about asking him to make the Marcoses accountable for their crimes and to ensure that dictatorship will never happen again in this country,” aniya, ngunit idinagdag na “we’re seeing signs that authoritarianism is coming back.”

Sinabi ni Nisperos kahapon ng tanghali na libu-libo ang inaasahan nilang dadalo sa paggunita sa EDSA 21 sa People Power Monument, na dinaluhan din ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III.

PRO-DUTERTE RALLY

Samantala, sa pangambang uulanin ng batikos si Pangulong Duterte sa selebrasyon ng anibersaryo ng People Power sa EDSA, nagdaos ng sariling rally at prayer vigil ang mga tagasuporta ng Presidente sa Luneta Park kahapon.

Ayon kay Constancio Tiongco, ng Mayor Rodrigo R. Duterte National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC), hindi maaaring maupo na lamang sila habang nag-iingay ang mga grupong kontra-Duterte at ipinananawagan ang pagpapatalsik dito sa puwesto.

Dahil dito, ipinag-utos ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang pagtatalaga ng 500 tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Luneta Park.

Binansagang “People’s Support Against Illegal Drugs, Poverty and Corruption” at inaasahang tatagal hanggang ngayong Linggo, dakong 5:00 ng hapon nang nagsimula ang rally sa Quirino Grandstand, na tinampukan ng prayer vigil, konsiyerto at iba pang mga programa.

Nagdaos din ng pro-Duterte rally sa Plaza Independencia sa Cebu City kahapon.

US EMBASSY SINUGOD

Nauna rito, sinugod ng nasa 1,000 maralitang tagalungsod ang US Embassy, bandang 9:00 ng umaga, at hiniling na palayasin ang tropa ng mga Amerikano sa bansa.

Nagkaroon ng tensiyon makaraang tangkain ng mga pulis na itaboy ang mga raliyista sa tulong ng fire truck mula sa Bureau of Fire Protection, hanggang sa nagkagirian sa pagpipilit ng mga militante na makalapit sa embahada.

Ipinanawagan nilang tugunan ng administrasyong Duterte ang iba’t ibang problema ng maralita, kinondena ang drug war, at iginiit na ituloy ang peace talks sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front.

(VANNE ELAINE P. TERRAZOLA, MARY ANN SANTIAGO at BETH CAMIA)