ZAMBOANGA CITY – Patay ang dalawang miyembro ng Maute terror group, habang isa pang kasamahan ng mga ito ang naaresto sa sanib-puwersang operasyon ng militar at pulisya sa Iligan City, kahapon ng madaling araw.

Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Capt Jo-Ann Petinglay na nakipagsagupaan ang grupo ng terorista sa mga operatiba ng Philippine National Police-Special Action Forces (PNP-SAF) makaraang tangayin ng grupo ang puting Ford Ranger pick-up ng negosyanteng si Othelo Adiong, 36, na nagmamaneho sa sasakyan.

Ayon kay Petinglay, minaniobra ng Maute ang sasakyan, habang lulan doon si Adiong, ang ina nitong si Elvira Adiong, 62; asawang si Esthepanie Adiong, at anak nilang lalaki, pawang taga-Iligan City.

Patungo sa kanilang tindahan ang pamilya Adiong nang harangin sila ng mga terorista sa C3 Road sa Barangay Ubaldo Laya, bandang 8:30 ng umaga kahapon.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ni Pentinglay na hinarang ng mga tauhan ng 4Mech Battalion, Mechanized Infantry Division ng Philippine Army ang Ford Ranger sa hangganan ng Iligan at Tagoloan, Lanao del Norte hanggang sa magkaroon ng engkuwentro.

Napatay sa sagupaan ang mga miyembro ng Maute na si Azzam Ampua Tahir, at isang Wowie, ayon kay Petinglay.

Arestado naman si Eyeman Alonto, ng Marawi City, driver ng puting Elantra na ginamit ng grupo patungong Camague Road sa Iligan City.

Narekober ng mga awtoridad ang isang M4 rifle na may tatlong magazine, at 60 bala ng .45 caliber pistol mula sa Maute. (NONOY E. LACSON)