Dagdag pogi points!
Subok na ang tiwala ng RCBC Savings Bank (RSB) sa dalawa nitong security guard na sina Joey F. Solomon at Nino Anbert G. Barlizo kaya naman pinarangalan ang mga ito makaraang magsauli, sa magkahiwalay na pagkakataon, ng napakalaking halaga na naiwan ng kliyente ng bangko.
Taong 2012 nang magsimulang maglingkod si Solomon sa RSB at sa loob ng limang taong paninilbihan ay hindi lamang dedikasyon ang kanyang ipinamalas kundi pati na rin ang pagiging matapat sa bawat nakakasalamuha niya sa bangko.
Kamakailan ay walang pag-aalinlangang isinauli ni Solomon ang isang paper bag na naglalaman ng P100,000.
“Hindi na po ako nagdalawang-isip nang makita ko ‘yung pera,” ani Solomon. “Buong buhay ko napakabait sa akin ng RSB, kaya kahit ano ay gagawin ko para maipakita ang pasasalamat ko.”
Hindi rin nag-atubili si Barlizo na isauli ang P76,000 cash na naiwan ng kanilang kliyente sa E. Rodriguez branch.
“Maganda ‘yung pakiramdam na nakatulong ka,” ani Barlizo. “Kahit na mahirap din kami at malaki ‘yung pera, inisip ko na mas kailangan ‘yun nung nakaiwan.”
Saludo kami sa inyo, mga sir!
