Sina Tom Rodriguez at Lovi Poe at gaganap bilang sina Satur Ocampo at Bobbie Malay sa anniversary episode ng Wagas copy

NGAYONG gabi, bilang pagdiriwang ng EDSA People Power 31st anniversary at bahagi rin ng ikaapat na anibersaryo ng Wagas, isang natatanging kuwento ng pag-ibig at pakikibaka ang ihahandog ng programa GMA News TV na magtatampok kina Tom Rodriguez at Lovi Poe.

Bibigyang-buhay nina Tom at Lovi ang love story ng activist couple na sina Satur Ocampo at Bobbie Malay.

Umusbong noong panahon ng Martial Law ang pag-iibigan ng mamamahayag at aktibistang sina Satur (Tom) at Bobbie (Lovi). Hindi nila akalain na ang adhikain para ipaglaban ang bayan ang magiging daan upang maging magkatuwang sila habang buhay. Sa gitna ng mga panganib at kaguluhan, makakatagpo sila ng mapayapang kanlungan sa isa’t isa.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Isa si Satur sa mga nadakip, ikinulong, at walang awang ‘tinorture’ noong panahon ng Batas Militar. Siyam na taon siyang pinahirapan sa loob ng piitan. Halos ikamatay niya ang pagkawalay kay Bobbie at sa kanyang pamilya. Ang naging tanging paraan ng komunikasyon nila ay mga patagong ‘coded letters’. At nang dumating sa puntong akala nila’y mabubuo na ang kanilang pamilya at tapos na ang mahabang taon ng pagpapahirap at pagtitiis, hindi naman nagtagal ay sabay silang nahuli at parehong ikinulong sa mga ibinibintang na krimeng hindi nila ginawa.

Ilan lamang ito sa mga eksenang pupukaw ng damdamin at magpapaalab ng pagmamahal ng manonood hindi lamang para sa taong itinitibok ng kanilang puso kundi para rin sa bayan. 

Abangan ang huling pasabog ng Wagas para sa ikaapat na anibersaryo ng programa ngayong Sabado, 7 PM, sa GMA News TV.