ITINANGGI ni Sofia Andres na puwede na siyang magpa-sexy sa susunod niyang projects. Sa edad na disiotso, hindi pa raw siya handa.
Kapansin-pansin kasi ang sexy photos na ipinost ng aktres sa Instagram kaya tinanong siya kung paghahanda na ba ito.
“Para lang po iyon sa magazine, so hanggang doon lang po muna hindi pa po ready sa screen,” sagot ng young actress.
Pero malaki ang posiblidad na bibigyan si Sofia ng remake movie ng Regal na nagpasikat kina Dina Bonnevie, Snooky at iba pang nagsuot ng ‘magic kamison.’
“Siguro po, konti lang (ang ipapakita), hindi masyadong revealing, ha-ha-ha. Kahit shorts and sando po, huwag namang ipakita ‘yung cleavage, nakakailang pa po. Siguro mga ilang years pa po, mga five years pa po,” nakangiting sabi ng dalaga.
At humirit ng, “Bagay po ba akong magpa-sexy na? Mas sisikat po ba ako do’n?”
Samantala, lunahing movie ni Sofia sa Regal Entertainment ang Pwera Usog na ipinagpapasalamat niya nang husto.
“Masaya po ako kapag nabibigyan ako ng project, nagpapasalamat po ako sa mga kumukuha sa akin bilang artista nila sa isang movie or teleserye, though hinihintay ko pa rin po ‘yung time ko. Patience lang po talaga and hardwork sa bawat ginagawa sa projects ko,” pahayag ng dalaga.
Sa Marso 8 mapapanood sa mga sinehan ang Pwera Usog mula sa direksiyon ni Jason Paul Laxamana.
Samantala, inamin ng dalaga na maganda ang impluwensiya sa kanya ang rumored boyfriend niyang si Diego Loyzaga na suportado siya sa lahat ng career moves niya. (Reggee Bonoan)