BAHAGI na ng kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas ang paggunita sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution tuwing ika-22 hanggang ika-25 ng Pebrero.

Ngayong 2017 ay ipinagdiriwang ang ika-31 taong anibersaryo ng EDSA People Power. Ang tema ng paggunita ngayon ay “A Day of Reflection: Celebrating People Power”. Ang paghahanda ay pinangunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea na siyang chairperson ng EDSA People Power Commission (EPPC).

Sa nakalipas na mga taon, ang paggunita at pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution ay idinaraos sa EDSA People Power Monument sa Edsa, Quezon City malapit sa Camp Aguinaldo. Ngunit ngayong 2017, sa plano ng Malacañang, ay idinaos sa loob ng Camp Aguinaldo kahapon, Pebrero 24, at hindi ngayong Pebrero 25 na huling araw ng Himagsikan.

Ito ang unang paggunita sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Sa opisyal na programa ng Malacañang ay hindi kasama si Pangulong Rodrigo Duterte at ang guest speaker ay si Executive Secretary Salvador Medialdea.

Sa paggunita sa EDSA People Power Revolution, hindi naiwasan ng nakararami na maalala ang pinatalsik na diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos ay lihim na inilibing sa Libingan ng mga Bayani noong Nobyembre 18, 2016. Isang grupo ng mga kabataan na may sense of history ang bumuo ng programa sa EDSA People Power Monument nitong Pebrero 22.

Sila’y nagpalipad ng mga lobong puti na may nakasabit na telang itim at may nakasulat na “HUKAYIN”. Ang tinutukoy ay ang labi ng diktador na si Marcos na nakahimlay na sa Libingan ng mga Bayani.

Ang EDSA People Power Revolution ay sagisag ng pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagmamahal sa Kalayaan at Demokrasya na sinupil at sinikil ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ang EDSA Revolution noong Pebrero 22-25, 1986 ay kahanga-hangang kontribusyon ng ating Perlas ng Silangan sa bokabularyo ng Himagsikan. Ang katuparan ng pakikipaglaban ng mga Pilipino sa diktaduryang Marcos. Sa pagpapabagsak sa diktadurya na walang dumanak na dugo at nasawi na bahagi na ng Himagsikan.

Ang naging sandata ng mga mamamayan sa EDSA People Power Revolution ay pagkakaisa, pagdarasal ng Rosaryo, imahen ng Mahal na Birhen at mga bulaklak na itinapat ng mga kolehiyala sa bibig ng mga baril ng mga sundalo. (Clemen Bautista)