DALLAS (AP) – Nakatuon na ang Dallas Mavericks sa hinaharap at sa pagreretiro ni Dirk Nowitzki.

Sa huling araw ng trade nitong Huwebes (Biyernes sa Manila), kinuha ng Mavs si big man Nerlens Noel sa Philadelphia 76ers kapalit ng beteranong si Andrew Bogut, Justin Anderson at protected first-round draft pick.

Kinumpirma ng source sa The Associated Press na selyado na ang naturang usapan.

Ang 22-anyos na si Noel ay No.6 overall pick sa 2013 draft. Nakikipag-agawa siya ng playing time sa Sixers frontcourt na kinabibilangan nina Jahlil Okafor at Joel Embiid. Isa siyang ganap na ‘restricted free agent’ sa pagtatapos ng season.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa pagdating sa Mavs, maiibsan ang kakulangan sa bilis at scoring ng koponan na unti-unti nawawala sa pababang career ni Nowitzki.

Bahagi si Bogut ng Golden State champion team noong 2015, ngunit kabilang sa binitiwan ng Warriors para makuha si NBA scoring champion Kevin Durant. Hindi nakalaro si Noel sa unang 23 laro ng Sixers ngayong season bunsod ng injury sa kaliwang tuhod.

Samantala, nakatakda ring lisanin ni Deron Williams ang Dallas at posibleng mapunta sa Cleveland Cavaliers.

Ayon sa source, nagkasundo ang Mavericks at si Williams sa ‘buyout’.

Matindi ang pangangailangan ng Cleveland para sa beteranong playmaker.