NAPAKAHIRAP palang puntahan ng location ng Destined To Be Yours sa Dolores, Quezon. Akala namin ay naaabot ng sasakyan ang set, hindi pala, napakalayo pa ng nilalakad ng cast, staff and crew papunta sa mismong location.
Kaya marami ang pumupuri sa pagiging koboy ni Maine Mendoza, na siyang madalas na nagti-taping doon. Ang karakter niya ang tagaroon. Most of the scenes ni Alden naman ay kuha muna sa Metro Manila. Pero kapag nagkakilala na sila, madalas na ring magti-taping si Alden kasama si Maine sa Dolores.
Nalaman lang namin ito nang may magpadala sa amin ng video habang naglalakad si Maine, kasama ng production staff, mula sa paanan ng Mt. Banahaw sa Dolores papunta sa bahay na gamit sa istorya. Naka-boots si Maine, at habang naglalakad ay kumakanta-kanta pa.
Wala raw anumang reklamo si Maine at mukha ngang ini-enjoy pa ang scenery.
Pero tama nga ang sinasabi nilang pinaghirapan nila nang husto ang first teleserye nina Maine at Alden. Hindi lang ang paglalakad ng malayo ang nararanasan nila, kundi maging ang laging malakas na ulan at maputik na daan, kaya thankful si Direk Irene Villamor na real trooper ang kanyang lead star at ang lahat ng bumubuo ng cast.
Nagtanim din daw si Maine ng palay at umuwi pa raw si Alden sa Laguna, para ikuha lamang ng boots si Maine dahil hindi yata nasabing gagawin nila ang eksenang iyon. Mayroon pang eksena si Maine na nakasabit siya sa tumatakbong tricycle. Nagpaka-professional daw talaga si Maine kaya puring-puri siya ng mga kasama niya na sina Luz Valdez at Lou Veloso (gumaganap na lola at lolo niya) at sina Janice de Belen at Gardo Versoza (gumaganap namang mga magulang niya).
First time naranasan ni Maine na mag-taping sa bundok, dahil iba naman ang experience niya sa kalyeserye nila sa Eat Bulaga, na madalas ay sa studio lang nagaganap. No wonder na sabi nga ni Alden, ibang-ibang Maine Mendoza ang mapapanood sa kanilang teleserye.
Excited much na ang AlDub Nation sa pagsisimula ng teleserye nila sa Lunes, February 27, pagkatapos ng Encantadia, sa GMA 7. (NORA CALDERON)