PINAGTIBAY ng Kongreso noong nakaraang taon ang panukalang magtatatag sa Department of Transportation (DoTr) at sa hiwalay na Department of Information and Communication Technology (DICT). Ang transportasyon pa lamang ay napakalaki na ng saklaw kaya naman hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin ang DoTr na resolbahin ang matinding problema sa trapiko sa Metro Manila at sa iba pang mauunlad na lugar sa bansa. Sa panig naman ng DICT, dapat nitong planuhin ang isang bago at napakalawak na mundo ng digital communication sa cyber universe, na hindi nalilimitahan sa ating planeta.
Hindi natuloy ang nauna at kaparehong plano na hatiin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kung sakaling mayroon tayo ngayong Department of Environment na hiwalay sa Department of Natural Resources, mababawasan marahil ang mga problemang hinaharap ngayon ng bansa kaugnay ng pagpapasara ni DENR Secretary Gina Lopez sa 23 minahan at pagkansela sa 75 mining permit.
Una nang nabanggit na ang kasalukuyang suliranin sa maraming usaping pangkalikasan ay resulta ng kawalang aksiyon ng mga dating opisyal ng DENR na higit na pinagtuunan ang aspeto ng likas-yaman ng kagawaran. Ngayon na isang masugid na environmentalist ang nangangasiwa sa kagawaran, maaari nang kuwestiyunin ang mga naunang desisyon na pumapabor sa mga kumpanya ng minahan. Malinaw na ang pendulum, sakaling maituturing nating ganito, ay pumalo na sa ibang direksiyon mula sa kabila.
Nagtatag na ang inter-agency na Mining Industry Coordinating Council (MICC) ng isang review committee upang suriin ang operasyon ng minahan sa bansa at ang mga nakalipas na direktiba ni Secretary Lopez. Inaalam na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga naging epekto ng pagsasara ng mga minahan sa mamamayan sa mga apektadong komunidad.
Sa patuloy na pagsusuri sa mga problema at mga kumplikasyong bunsod ng resulta ng huling hakbangin ng DENR, masasabing napapanahon na ring buhaying muli ang panukalang paghiwalayin ang mga tanggapan ng gobyerno na nakatutok sa pagmamalasakit sa kalikasan at pangangalaga sa mga likas-yaman. Malinaw na magkaiba ang interes ng dalawang larangang ito. Ang isa ay nakatuon sa pangangalaga sa kapaligiran. Ang isa naman ang nakatutok sa paggamit sa mga likas-yaman, na nangangailangan ng paghuhukay sa lupa upang mapakinabangan ang mga mineral.
Nang tanungin tungkol dito sa isang panayam kamakailan, binalikan ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa alaala ang orihinal na pangalan ng kagawaran, ang DEENR—para sa Department of Energy, Environment, and Natural Resources. Naging hiwalay na ahensiya ang tungkol sa enerhiya upang higit itong mapagtuunan ng kinakailangang atensiyon. Panahon na marahil na hatiin pa ang kagawarang ito at paghiwalayin ang tungkol sa kapaligiran at sa likas-yaman, na karapat-dapat lang na parehong masusing tutukan bawat isa. Ang hakbanging gaya nito ay “long overdue” na, ayon kay Secretary Dominguez.