IPINABABASURA ni Sen. Leila de Lima, sa pamamagitan ng Motion to Quash, ang tatlong kasong may kinalaman sa ilegal na droga na isinampa laban sa kanya ng Department of Justice (DoJ) sa tatlong magkakahiwalay na regional trial court ng Muntinlupa. Ang nagsagawa kasi ng preliminary investigation sa mga kasong ito ay ang DoJ. Ayon sa Senadora, dahil siya ang DoJ secretary nang gawin niya ang krimeng ibinibintang sa kanya, ang Office of the Ombudsman ang dapat na nag-imbestiga sa mga kaso.

Pero, ayon naman kay Solicitor General Jose Calida, tumatayong abogado ng gobyerno, may kapangyarihan din ang DoJ na mag-imbestiga at magsampa ng drug cases laban sa Senadora.

Sa kasong kudeta laban kay Sen. Gringo Honasan kaugnay ng 2004 Oakwood mutiny, idineklara ng Korte Suprema na parehong may jurisdiction ang DoJ at Ombudsman na mag-imbestiga ng mga kaso laban sa mga opisyal ng pamahalaan. Isa pa, aniya, ayon sa Section 90 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2000, ang regional trial court ang tanging may jurisdiction sa illegal drug cases. “Dahil nahaharap sa kasong droga ang Senadora,” wika niya, “na wala namang relasyon sa kanyang trabaho bilang Justice Secretary, ang dapat na duminig sa kanyang kaso ay ang regular na korte at hindi ang Sandiganbayan.”

Ngunit, nag-ugat ang mga kaso laban sa Senadora sa reklamo ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na hindi lang daw niya hinayaan na labas-pasok ang ilegal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP) na nasa ilalim ng kanyang pamamahala. Ang matindi pa, base sa reklamo, pinadali niya ang malakihang bentahan ng ilegal na droga dahil sa pangako niyang proteksiyon bilang kapalit ng mapapagbentahan.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Para kay SolGen Calida, ang ginawang ito ni De Lima ay walang kinalaman sa kanyang tungkulin dahil daw ilegal na droga ang sangkot dito. Hindi umano ito gaya ng pagnanakaw o pangingikil na maliwanag na ginamit ng opisyal ng gobyerno ang kapangyarihan ng kanyang posisyon.

Pero, ang akusasyon kay De Lima ay ginamit niya ang kanyang posisyon upang mapadali o malayang maganap ang bentahan ng droga sa NBP. Binigyan din daw niya ito ng proteksiyon na hindi niya magagawa kung hindi siya Justice Secretary na namahala sa NBP. Bilang kapalit, kumita siya sa mga napagbentahan. May kaugnayan din ang ibinibintang sa kanya sa kanyang posisyon na kung totoo ay pang-aabuso sa kapangyarihan at paggamit nito upang maganap ang illegal drug trade na kanyang pinagkakitaan. Corruption din ito.

Kung may kapangyarihan ang DoJ, gaya ng Ombudsman, na imbestigahan ang mga public officials, hindi ba dapat sa Ombudsman isinampa ang reklamo laban sa Senadora? Kahit paano paparehas siya dito. Eh, ang DoJ ay Gabinete ni Pangulong Digong na kanyang mortal na kalaban. (Ric Valmonte)