Habang tinitipa ang balitang ito, nasa kritikal na kondisyon ang isang lalaki matapos hatawin ng dos por dos sa ulo ng kanyang kapitbahay sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Unang dinala sa Pagamutang Bayan ng Malabon si Rogeilo Cuaba, 46, ng Block 1, Phase 1-C, Kaunlaran Village, Barangay NBBS ng nasabing lungsod, ngunit kalaunan ay inilipat sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Pinaghahanap naman ngayon ng awtoridad ang tumakas na suspek na kinilala lamang sa alyas na “Kulot”.
Sa report ni PO3 June Paolo Apellido, bandang 9:00 ng gabi, nilapitan ni Kulot si Cuaba at sinita sa pagtatapon ng basura na hindi naman umano ginawa ng huli.
Iginiit ni Cuaba na hindi siya ang nagtapon ng basura sa tapat ng bahay ni Kulot at dito na nagkaroon ng mainitang diskusyon.
Upang makaiwas sa gulo, nagdesisyon umano si Cuaba na huwag nang patulan pa si Kulot at iwan na ito. Ngunit nang tumalikod ang biktima ay kumuha ng kahoy si Kulot at pinagpapalo ang una. (Orly L. Barcala)