ZAMBOANGA CITY – Matagumpay na napigilan ang tangkang pambibiktima ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Tawi-Tawi matapos na kaagad nakaresponde ang mga nagpapatrulyang barko ng Philippine Navy sa distress call ng MV Dong Hae Star, isang Panamanian-flag ship carrier, makaraang mamataan ang pagsunod sa kanila ng mga armadong sakay sa dalawang speedboat sa Sulu nitong Miyerkules ng umaga.

Sinabi ni Rear Admiral Rene V. Medina, commander ng Naval Forces sa Western Mindanao, na nangyari ang insidente bandang 10:00 ng umaga nitong Miyerkules habang naglalayag ang MV Dong Hae Star sa Sulu Sea mula sa China patungong Indonesia.

Ayon kay Medina, nagradyo ang kapitan ng barko sa Littoral Monitoring Station (LMS) sa Bongao upang ipaalam ang kahina-hinalang pagsunod sa kanila ng dalawang itim na speedboat na may lulan na limang armado bawat isa sa bahagi ng Pearl Bank sa Sulu Sea.

Sinabi ni Medina na tumigil lang ang dalawang speedboat sa pagsunod sa MV Dong Hae Star nang mamataan ang pagresponde ng dalawang barko ng Navy.

Probinsya

5 buwang sanggol, natabunan sa landslide sa Davao City

Aniya, patuloy ang monitoring ng LMS Bongao sa dayuhang barko habang tumatawid ito sa Tawi-Tawi, kasabay ng pagpapatuloy ng pagpapatrulya ng mga barko ng Navy sa lugar.

Sinabi ni Medina na ipinag-utos na niya ang pagdadagdag ng mga barko sa JTF Tawi-Tawi at Sulu upang suportahan ang pagpapatupad ng batas sa lugar.

Sa kasalukuyan, patuloy ang opensiba ng militar laban sa Abu Sayyaf habang sinisikap na mailigtas nang buhay ang mga bihag ng grupo, partikular ang German na si Jurgen Kantner, na pinagbantaang papatayin kapag hindi nabayaran ang P30 milyon ransom bukas, Pebrero 26. (NONOY E. LACSON)