Laro Ngayon

(San Juan Arena)

2 n.h. -- FEU vs NU (Jrs. Finals)

NAKAHANDA na ang hapag para sa pagdiriwang ng Far Eastern University-Diliman na target tapusin ang maiksing best-of-three title series sa pagsabak kontra National University sa Game 2 ng UAAP Season 79 juniors basketball championship ngayong hapon sa San Juan Arena.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ganap na 2:00 ng hapon ang muling pagtutuos ng Baby Tamaraws at Bullpups.

Nakauna ang Baby Tamaraws sa serye matapos ungusan ang Bullpups, 66-65, nitong Martes sa Game 1.

Tangan ang kumpiyansa, asam ni FEU coach Allan Albano na tapusin na ang serye.

“Nawalan kami ng killer instinct kaya ang baba ng score namin, nine points lang sa fourth quarter. Yung fluidity ng offense, nawala,” ani Albano. ‘Kailangan naming mahigitan pa ang performance para tapusin na ito.”

Batid nilang magiging mahirap para sa kanila ang mapigil si Bullpups’ ace John Lloyd Clemente, na umiskor ng 25 puntos noong Game 1 gayundin ang kanilang mga big men na sina Rhayyan Amsali at Karl Peñano.

Muli, sasandig ang Baby Tamaraws kina LJ Gonzales, Kenji Roman, Xyrus Torres at Jack Gloria para pamunuan ang koponan.

Sa kabila naman ng pagkabigo sa unang laro, naniniwala pa rin si NU mentor Jeff Napa na kaya pa nilang humirit ng deciding Game 3.

“Despite na ang sama ng game namin, we lost by (only) one point. Nandoon pa rin yung fire at hunger ng team to bounce back,” ayon kay Napa. (Marivic Awitan)