TUMATAAS na ngayon ang temperatura sa Baguio City, indikasyon ng pagsisimula ng tag-init at pagtatapos ng malamig na panahon na naranasan ng lungsod sa nakalipas na mga linggo.

Inihayag ng local weather forecaster na si Eugene Ventura nitong Miyerkules na dakong 6:00 ng umaga nang maitala ang mababang temperatura na may 14.8ºC at naitala ang pinakamataas na temperatura nitong Martes sa 24ºC.

Ang naitalang pinakamababang temperatura ngayong taon ay 7.3ºC, dakong 6:00 ng umaga noong Pebrero 15.

Makikita sa talaan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration na ang pinakamababang temperaturang naitala sa Baguio City ay 6.3ºC noong Enero 18, 1961 at naitala ang 7.1ºC noong Enero 9, 1971.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Ang 7.3ºC na naitala ngayong buwan ang ikalimang pinakamababa sa kasaysayan simula noong 1961; noong Pebrero 28, 1963 nang naitala ang 6.7ºC; 6.8ºC noong Enero 8, 1986 at 1971; at 7.3ºC ngayong 2017.

Nagdulot ng pagyeyelo ang pinakamababang temperaturang naitala ng lokal na tanggapan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration sa matataas na bahagi ng Benguet at Mountain Province, ngunit hindi naman ito nakasama sa mga semi-temperate vegetable, na nasa vegetative at flowering stages ang kabuuan.

Naranasan na ito ng mga magsasaka sa mga nagdaang panahon kaya nagkaroon na sila ng kaalaman kung paano masosolusyunan ang pagyeyelo tuwing umaga sa kanilang mga taniman.

Sa Mount Sto. Tomas sa Tuba, Benguet naitala ang pinakamababang temperatura na 4.5ºC habang naitala ang pinakamababang 5.6ºC sa Madaymen, Kibungan, Benguet noong Pebrero 15.

Umabot na rin ang temperatura sa tuktok ng Mt. Pulag sa Kabayan, Benguet sa pagitan ng 2º at 5ºC nitong Pebrero 11-16. Ang Mt. Pulag ang pangalawa sa pinakamataas na bundok sa bansa.

Nagsimula ang pagbaba ng temperatura sa lungsod noong Pebrero 11 nang bumaba ang temperatura sa 9.6ºC, at lalo pang bumaba sa nakalipas na limang araw dahil sa northeast monsoon o amihan at maulap na langit.

Sinabi ni Ventura na inaasahang tataas pa ang temperatura ng Baguio City at Benguet sa 25.2º, at mababang 14.5º hanggang Marso 2017.

Madalas nagsisimula ang malamig na panahon sa lungsod at sa iba pang matataas na lugar sa Benguet at Mountain Province sa pagitan ng Nobyembre at Marso bagamat nakadepende ang malamig na panahon sa lakas ng amihan, dagdag ni Ventura. (PNA)