NAPAKARAMING usapin ang kailangang pagtuunan ng atensiyon ng bagong administrasyon, ngunit marapat na hindi nito tantanan ang isang problema na nasa sentro ng inaasam na kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao — ang grupong jihadist na nagtatangkang magtatag ng base ng Islamic State (IS) sa timog-kanlurang bahagi ng isla.
Ayon sa mga source sa militar, pangunahing grupo rito ang Abu Sayyaf, na nagkaroon na ng mga kasaping Indonesian, Malaysian, at Arabo mula sa Gitnang Silangan. Dalawang linggo na ang nakalipas nang makaengkuwentro ng Sandatahang Lakas, matapos ang isang artillery attack, ang grupong terorista sa isang lugar malapit sa Butig, Lanao del Sur, at isang Indonesian ang napaulat na napatay.
Hindi tumitigil ang mga operasyon ng militar sa Basilan, Tawi-Tawi, at Sulu, ayon kay Gen. Eduardo Año, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Labing-apat na batalyon ng mga tropa ng gobyerno ang nagsagawa ng search-and-destroy campaign. Inaasahan ng AFP, aniya, na magagapi ang Abu Sayyaf sa loob ng anim na buwan.
Sa loob ng maraming taon ay isinagawa ng Abu Sayyaf ang mga operasyon nito sa Mindanao, nangingidnap ng mga dayuhan, binibihag ang mga ito para makakolekta ng ransom, at pinupugutan ang mga ito kung mabibigong magbayad ang pamilya ng mga ito. Ilang araw lang ang nakalipas nang ilabas ng Abu Sayyaf ang video na nagpapakita sa bihag na German hostage, at nagbantang papatayin ang dayuhan kung hindi mababayaran ang hinihingi nilang P30-milyon ransom kapalit ng kalayaan nito hanggang sa Pebrero 26.
Ipinakita sa video ang German, si Jurgen Kantner, na nagmamakaawa para sa sariling buhay, gaya ng kung paano nagmakaawa ang ibang dayuhang bihag para sa sarili nilang kaligtasan. Pinatay ang dalawang Canadian — sina John Ridsdel at Robert Hall — noong Abril at Hunyo 2016, pitong buwan matapos silang dukutin mula sa isang resort island sa Davao Gulf. Ang mga kasama nila — isang Pilipina at isang Norwegian—ay pinalaya pagkatapos at sinabi ng mga source mula sa pulisya na nakakolekta ang Abu Sayyaf ng P30 milyon mula sa Norwegian.
Dalawang araw na lang bago sumapit ang Pebrero 26. Malalaman na natin ang kahihinatnan ng opensiba ng militar laban sa Abu Sayyaf at sa mga kaalyado nitong jihadist mula sa Indonesia, Malaysia, at Gitnang Silangan makalipas ang dalawang buwan ng maigting na operasyon. O isa na naman kayang dayuhan ang mabiktima ng Abu Sayyaf, na patuloy na napagtatagumpayan ang lahat ng pagpupursige upang magapi sila, at sa katunayan ay nakahihikayat pa nga ng mga tagasuporta mula sa iba’t ibang panig ng mundo?
Patuloy tayong umaasa na magagawa ng Sandatahang Lakas, sa pagsasama-sama ng 14 na batalyon nito, na maitaboy ang Abu Sayyaf at ang mga kasabwat nitong jihadist mula sa Mindanao. Hindi natin papayagang sa Pilipinas sunod na ilunsad ng Islamic State ang mga operasyon nito, kasunod ng Syria at Iraq.