MAHIGIT isang buwan na ring pinagbabaklas ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng drug operating units sa buong bansa, at makalipas lamang ang ilang araw na walang tumitimbuwang na mga umano’y pusher at adik sa mga bangketa at kalsada, ay unti-unti na namang bumabalik ang mga walang patumanggang pagpatay hanggang nito ngang mga nakaraang araw lang na naging mas matindi, brutal at walang takot na kumpara noong bago pa ito “ipinahinto” ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Mantakin n’yo naman kung gaano kalalakas ang kanilang mga loob at sikmura – pumatay sa loob mismo ng bahay ng mga sinasabi nilang “incorrigible” na mga alipin ng droga, sa harap pa mismo ng mga anak, kapatid, kamag-anak o magulang pinagbababaril ang mga ito. May tinatawag pang “coup de grace” ang mga hinayupak na mga BERDUGO – lalapitan ang nakalugmok na biktima at makailang ulit pang babarilin sa ulo, at saka aalis nang nagtatawanan.
Aba’y masahol pa sa hayop ang mga BERDUGONG ito. Wala silang sinasanto. Walang kinatatakutan. Parang sa tingin ko, alam nilang nakasandal sila sa pader. Hindi basta-basta pader, kundi isang marmol na pader na ‘di basta-basta matitinag at magigiba.
Kung maniniwala tayo sa utos ni PRRD, maaaring hindi na nga ito mga pulis na suma-sideline noon para kumita sa Oplan Tokhang na sinasabing may TF para sa bawat ulo ng mga naitutumba at dahil nga hindi na sila mga pulis, dapat ay may masakote ang ating mga magigiting na operatiba kahit isa man lamang sa mga ito – eh wala nga, eh!
Mga naka-“riding-in-tandem” kalimitan na ang mga BERDUGONG ito. Ang nakapagtataka, paulit-ulit ko nang sinasabi ito noon pa, sa dami ng police checkpoint sa mga pangunahing lugar at higpit nila sa pagsita sa mga nakasakay sa motorsiklo, wala pa akong maalala na natiklo nila para iprisinta sa aming mga taga-media – at napakaimposible nito kasi parang lumalabas na mas magaling ang mga kriminal kaysa sa ating mga pulis. Pinaglalaruan lang ang ating mga pulis o sila ang naglalaro kaya ‘di nakakahuli?
Dito sa Metro Manila, ang napuna ko na nagiging pinaka-walang habas ang mga pagpatay ay sa nasasakupan ng Eastern Police District (EPD) sa ilalim ng pamumuno ni CSupt. Romulo Sapitula. Sobra na ito. Ang tinding mga pagpatay – hindi ng mga pulis kundi ng mga “riding-in-tandem” – ‘di ito nakakabilib at ‘di ka rito sisikat Sirs…alam kong magaling ka namang opisyal, kaya ‘di ka dapat ma-insecure sa pagtatrabaho…sana ‘wag piliting maka-comply sa sinasabing “quota” sa Oplan Tokhang para tumagal sa puwesto.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)